Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : P10 kada litrong bawas, posible OIL EXCISE TAX SUSPENDIHIN – BONGBONG

News & Interviews
21 October 2021

By Saksi Ngayon

SA gitna ng dikit-dikit na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, nanawagan si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso para suspendihin muna ang pagpapataw ng katumbas na buwis ng mga gasolina, krudo at kerosene na ibinebenta ng mga kumpanya ng langis sa bansa.

Paliwanag ni Marcos, mas mabilis na matutugunan ng gobyerno ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis sa merkado kung isantabi muna ang excise tax ng mga produktong petrolyo.
Sa tantya ng pambatong kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), P10 agad ang mababawas sa presyo ng gasolina at P66 naman sa krudo kung pipiliin ng pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang paniningil ng excise tax.

Bukod sa gasolina at krudo, matatapyasan din ng P5 kada litro ang presyo ng kerosene habang P3 naman kada kilo ang bawas sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) na gamit ng mga kabahayan sa pagluluto.

“Amending the oil deregulation law with the intent of addressing the issue of runaway oil prices will take some time.  This move to suspend the excise tax makes sense and will have an immediate positive impact on our people,” tugon ng dating senador, kasabay ng giit para sa mabilisang solusyon.

Sa isang pulong na kanyang dinaluhan kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang transport groups, ipinaliwanag ni Marcos ang mga epektong idudulot ng mabilis na pagsirit sa presyo ng langis sa merkado. Aniya, malaking bawas din sa kita ng mga ordinaryong tsuper ng mga pampasaherong sasakyan ang dagdag pasakit kung hindi agad magagawang pigilan ng pamahalaan ang tila walang tigil na pagmamahal ng mga produktong petrolyo.

“We need to do something about this issue urgently because one sector that will be gravely affected has been suffering for the longest time in this pandemic. Transport workers and operators who depend on their daily operations for their livelihood are already in dire straits,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pulong ang mga pinuno at kinatawan mula sa mga grupong Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda); Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP); Philippine Confederation of Drivers and Operators – Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO); Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP); Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP); at Tiger in Asia.

Nanawagan din ang dating senador sa Department of Energy (DOE) na pag-aralan ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF), isang mekanismong ginamit sa ilalim ng pumanaw na amang Pangulo ng batang Marcos.

Sa ilalim ng OPSF, piso kada litro ang pumapasok sa pamahalaan na siya ring ginagamit pantakip sa tuwing tataas ang presyo ng langis sa world market. Bukod sa iwas-pasakit sa mga tao, nakatutulong din aniya ito para patibayin ang palitan ng piso kontra dolyar.

“I implore the DoE to make a careful study on the possibility of bringing back the OPSF to cushion Filipinos from the impact of rising oil prices,” sambit pa niya.

Taong 1998 nang lagdaan bilang batas ang RA 8479 (Oil Industry Deregulation Act) na nagbigay laya sa mga kumpanyang magdikta ng presyo ng kanilang ibinebentang langis. Hangarin ng nasabing batas na pamayanihin ang kompetisyon sa oil companies, subalit sa halip na magpababaan ng presyo, nagkaroon ng kartel na siyang nagdikta ng presyo ng petrolyo.
Paliwanag ni Marcos, masyadong umasa ang bansa sa mga angkat na langis mula sa ibang bansa.

“While we acknowledge that the price of oil is determined by free-market forces, the government should have mechanisms prepared to intervene when the need arises.  The OPSF will give us that ability and a serious consideration for its return should be studied,” ani Marcos.

“The pandemic has changed the energy landscape. Just like any country reeling from it, we should learn to adapt to this new environment.  I, for one, have always been a proponent of Renewable

Energy and I believe that it will play a crucial role not only in our recovery but in the country’s future as well,” pahabol pa niya.

Sa datos ng DOE, halos P20 na ang dagdag presyo sa gasolina, habang P18 naman ang itinaas ng krudo.