Saksi Ngayon : OK ANG PASKO KUNG LAHAT AY BAKUNADO – BONGBONG

News & Interviews
1 October 2021

By Saksi Ngayon

KUMPIYANSA si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na magiging tunay na masaya ang Pasko sa pasya ng gobyernong buksan ang pagbabakuna laban sa nakamamatay na COVID-19 sa higit na maraming Filipino.

Ani Marcos, posible naman ang isang mas mainam na kapaskuhan sa sandaling mahagip ng gobyerno ang pagbabakuna sa 80-90% ng populasyon, na aniya’y pamantayan para sa target nitong herd immunity kontra COVID-19, kasunod ng pahayag ng Palasyo sa planong pagsisimula ng pagbabakuna ng “general public” sa pagpasok ng buwan ng Oktubre.

“Hopefully maging maganda ang Pasko natin, mas marami nang mga kababayan natin ang magiging bakunado at protektado laban sa malalang kaso ng Covid by December. At pwede na nating unti-unting buksan muli ang ating ekonomiya,” giit pa ng dating senador, kasabay ng panawagan para sa isang sistematikong vaccine rollout.

Gayunpaman, hindi aniya sapat ang may sistema kung wala rin namang sapat na suplay at angkop na cold storage facilities ang mga lalawigan, lungsod at bayan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Dapat din aniyang maging mas masigasig ang Department of Health (DOH) sa pakikipag-ugnayan sa local government units (LGU) para sa karagdagang healthcare workers na mangangasiwa sa pagbabakuna.

Hindi rin aniya dapat magpaka-kampante ang Department of Energy (DOE), kasabay ng panawagang tiyakin ang walang putol na suplay ng kuryenteng nagbibigay enerhiya sa mga cold storage facilities kung saan inilalagak ang mga bakuna. Kung maaari, giit pa ni Marcos, magkaroon ng power generators sakaling biglang maputol ang suplay ng kuryente.

“When the vaccination of people under the priority list started, we saw that LGUs are very capable of rolling out the vaccination program.

Nahihinto lang ‘yung roll out nila kapag wala pang available na vaccine supply. ‘Yung ibang LGUs with less capacity to vaccinate, tulungan to increase their capacity,” sambit pa ng anak ng Ilocandia.

Sa datos ng gobyerno, may kabuuang 69.62 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa bansa mula pa nitong nakaraang Marso.

Sa pagpasok ng buwan ng Oktubre, inaasahan naman ang pagdating ng karagdagang suplay, ayon mismo kay vaccine czar Carlito Galvez.

Sa tala ng DOH, 20.58 milyong kataong katumbas ng 26.68% ng “eligible population” ang tapos nang bakunahan, habang nasa 23.78 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose ng bakuna.

Sa Metro Manila, nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga fully vaccinated. Gayundin sa mga lungsod ng Baguio, Cebu, Iloilo at Davao na nakapagtala naman ng 50% vaccination rate.