Saksi Ngayon : NON-TEACHING STAFF SA PUBLIC SCHOOLS DADAGDAGAN NI BBM

By Saksi Ngayon

ISA sa matagal nang inirereklamo ng mga guro ang sobrang gawain kaya naman plano ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na dagdagan ang mga ‘non-teaching personnel’ sa bawat pampublikong paaralan.

Aniya isang paraan upang mapanatili ang mataas na kalidad ng pagtuturo sa mga public school ay kung mababawasan ang ‘non-teaching loads’ ng mga guro.

Base sa mga pag-aaral, marami sa mga guro sa mga pampublikong paaralan ang may kanya-kanyang hawak na ‘ancillary works’ na kung minsan ay hindi na angkop sa kanyang ‘specialty’, halimbawa ay teacher na pero librarian pa o di kaya ay property custodian din.

Iyong iba naman ay umaakto ring nurse o di kaya ay athletics director.

Dahil dito, sinabi ni BBM na gusto niyang baguhin ang ganitong sistema sa paaralan, at dahil dito ay balak niyang punuan ang kakulangan sa bawat pampublikong paaralan at magdagdag ng mga ‘non-teaching personnel’ upang maibsan ang overload para sa mga guro.

Sabi pa ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na bibigyan ang mga guro ng mas mahabang oras na makapaghanda sa kanilang lesson at makapag-focus lamang sa kung anong mga subject ang naka-assign sa kanila.

“Matagal nang dinadaing ng ating mga guro ang ganitong sistema, ‘yung additional work, ‘yung non-teaching loads, panahon na para baguhin at matugunan ito, so paano? We need to hire more non-teaching personnel who are qualified for the job, yung tinutukoy ko is yung mga sobrang ginagawa ng mga guro na hindi naman dapat sila gumagawa, ” sabi ni Marcos.

“In that case, we can ease the work of the teachers, mabibigyan natin sila ng mahabang oras na makapaghanda, makapag-prepare ng mga lesson sa kung anong subject na ituturo nila, kung minsan kasi yung mga guro natin, teacher na sila nagiging librarian, nurse din sila, may nababalitaan pa tayo na may mga nagbabantay pa ng canteen,” dagdag pa ng pambato ng PFP.

Sinabi din ni Marcos na kapag nabawasan ang mga sobrang gawain ng mga guro ay mapapangalagaan din aniya ang ‘mental health’ nila na kitang-kita nitong pandemic.

“Nitong pandemic nakita natin kung paano ‘yung naging adjustment ng mga guro, kahanga-hanga naman talaga, pero hindi natin maitatanggi na marami sa mga guro natin ang nahihirapan sa mga gawain, marami ang nai-stress, nade-depress at labis na naapektuhan ‘yung kanilang mental health,” sabi ni Marcos.

Una nang nabanggit ni Marcos na muli niya bibisitahin ang K-12 program ng Deped, isa rin sa gusto niyang mangyari ay madagdagan ang sahod ng mga guro at maibigay ang mga nararapat na benepisyo.

Bukod pa diyan, balak din ng dating senador na mag-hire pa ng mas maraming permanent teachers, na isa sa nakapaloob sa plataporma ni Marcos na kada-taon din naman na ginagawa ng Department of Education (DepEd).

“Siyempre, mag-hire pa tayo ng mas maraming permanent teachers, kulang talaga tayo sa mga guro, pero ang pagkaka-alam ko naman yearly ito ginagawa ng DepEd, pabilisan siguro natin ‘yung application nila para mapunan yung kakulangan natin sa mga kaguruan,” ayon sa dating senador.