Saksi Ngayon : Naghain na ng COC SAMA-SAMA TAYONG BABANGON – BONGBONG

News & Interviews
6 October 2021

By Saksi Ngayon

NAKATUON si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkakaisa at sama-samang pagbangon sa gitna ng nararanasang kahirapan dala ng pandemya sa COVID-19.

Bitbit ang naturang hangarin, kahapon ay pormal nang naghain si Bongbong ng Certificate of Candidacy (COC) sa pagka-pangulo 2022 sa national elections sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Kasama ni Marcos ang asawang si Atty. Liza Araneta at mga anak na sina Ferdinand Alexander at Joseph Simon.

Hindi magkamayaw ang mga supporter ng dating senador na sumisigaw ng suporta sa kanyang kandidatura nang lumabas ito matapos ang paghahain ng COC sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.

Nilapitan niya ang mga supporter na naghihintay sa harap ng Philippine International Convention Center (PICC) na kinawayan at sandaling kinausap ang ilan sa mga ito.

Sa kanyang maikling press briefing, sinabi ni Marcos na ikinokonsidera niyang maging ka-tandem si Pangulong Rodrigo Duterte bilang vice president ngunit nagpahayag ang huli na magreretiro na ito sa pulitika.

“I’d be very candid with you. The reason why no one filed for vice president under PFP is this – the original plan was for us to adopt PRRD for our vice presidential candidate, but because of what the scenario last Saturday, we changed our plan and we will consult, the party and what do we do now and so that is where it is,” ayon pa sa dating senador.

Una nang sinabi ni Bongbong na plano nitong tumakbo sa May 2022 national elections para mabigyan ng pag-asa ang lahat ng Filipino na magkaisa sa harap ng nararanasang pandemya ng bansa.

“Join me in this noblest of causes, and we will succeed,” sabi ni Bongbong na kilala rin bilang BBM.

Kaugnay nito, nangako ang dating senador na ilalabas nito sa mga susunod na araw ang listahan ng mga tatakbong senador sa ilalim ng PFP. (NOEL ABUEL)