Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : Mga nasalanta ng bagyong Odette binalikan BBM-SARA MULING NAGHATID NG TULONG

News & Interviews
29 December 2021

By Saksi Ngayon

TULAD ng unang ipinangako ni Partido Federal ng Pilipinas standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., bumalik siya para kumustahin at magpaabot ng panibagong tulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette na nanalasa sa malaking bahagi ng Kabisayaan at Mindanao noong nakaraang Disyembre 16.

Unang pinuntahan ni Marcos ang Southern Leyte kung saan sinalubong siya ni Southern Leyte Gov. Damian Mercado at iba pang opisyal ng probinsya.

Nagbigay ang BBM-Sara UniTeam ng P1-M kay Gov. Mercado at P500,000 kay San Ricardo Mayor Roy Salinas, na ang bayan ay matinding tinamaan ng bagyo.

Bukod sa tulong pinansyal, nagbigay rin siya ng 77 sets ng solar panels at LED flashlights para sa mga residente na wala pa ring ilaw at kuryente.

Nagpasalamat naman si Gov. Mercado sa mga ipinaabot na tulong ni Marcos at ipinagmalaki pa niya ang pagiging totoo ni Marcos sa pangako na babalik siya sa Southern Leyte.

“Sabi niya (Marcos) Gov. may konti akong tulong sa inyo, babalik ako, magdadala akong tulong. Nandito na, bumalik talaga siya. He made his promise. Nandito siya ngayon, para alam niyong totoo ang sinabi niya, bumalik talaga siya,” kwento ni Gov. Mercado.

Agad ding nagtungo sa isla ng Siargao si Marcos at kanyang ka-tandem na si vice presidential aspirant Sara Duterte para magpaabot ng P1-M tulong pinansiyal kay Surigao del Norte 2nd District Congressman Ace Barbers at P500,000 kay General Luna Mayor Cecilia Rusillon na ang bayan ay matindi ring sinalanta ng bagyo.

Bukod diyan, nagpahatid din ng iba pang tulong sina Marcos at Sara gaya ng bigas, relief goods, solar panels, 10 sets water bucket filter at water purifier system na kayang gumawa ng 180 gallons per hour na malinis na tubig. Problema pa rin kasi sa Siargao ang maiinom na tubig.

Pinuntahan din nina Marcos at Sara ang Dumaguete para alamin ang sitwasyon ng probinsya.

Sumalubong sa kanila si Governor Roel Degamo at kanyang mga opisyal. Nagbigay rin ng situational disaster report ang PDRRMC sa pinsala ng bagyong Odette sa Negros Oriental.

Kaugnay nito, nag-abot din ng P1-M tulong pinansyal ang BBM-Sara UniTeam kay Gov. Degamo at P500,000 kay Bayawan City Mayor Pryde Henry Teves na gagamitin para sa rehabilitasyon at iba pang pangangailangan ng kanilang mga kababayan.

Plano ni Marcos na magdala ng mga construction materials sa susunod niyang pagbisita.

Nalaman kasi niya na bukod sa mga nasirang tahanan at paaralan, hindi rin nakaligtas ang mga evacuation center sa hagupit ng bagyo.

“Ang susunod naming kailangan dalhin ay mga construction materials para mga tao pwede na magreconstruct ng mga bahay nila. Pero for the meantime maglalagay muna tayo ng tent kasi

malakas talaga ang naging pinsala sa Surigao, bagsak lahat, walang evacuation center, wala din yung mga eskwelahan, we have to find shelter for them,” paliwanag ni Marcos.

Umaasa naman si Marcos na sa kabila ng nararanasan na hirap dulot ng bagyong Odette ay sama-sama pa ring magiging positibo at babangon muli ang bawat isa para salubungin nang may ngiti at pag-asa ang panibagong taon na darating.

“Sana maayos na itong lahat at gagawin ko ang lahat para makatulong. Kawawa ang mga tao eh. Sinasabi ko nga, baka ma-postpone lang ang Happy New Year pero magha-Happy New Year pa rin tayo,” sabi ni Marcos.