Saksi Ngayon : MGA INVESTOR KUMPIYANSA KAY BBM

By Saksi Ngayon

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

WALANG kaduda-duda na nakuha na ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kumpiyansa ng mga lokal at dayuhang negosyante dahil na rin sa ipinakikita nilang tiwala sa kakayahan niyang pamunuan ang bansa sa susunod na anim na taon.

Kapansin-pansin na sa ­kabila ng mas mataas na ­inflation rate nitong buwan ng Mayo na umabot sa 5.4 % ay binalewala lang ito ng mga negosyante dahil sa pagtatapos ng trading session nitong Martes ay nasa berdeng kulay pa rin ang Philippine Stock ­Exchange.

Ibig sabihin nito ay walang malakihang paggalaw ng mga puhunan palabas at sa halip ay mas nadagdagan pa nga ang mga puhunan na umiikot ngayon sa loob ng bansa.

Sa totoo lang ay tumaas pa ang benchmark Philippine Stock Exchange index ng nasa 0.55 porsyento, katumbas ng 37.13 puntos para magtapos sa 6,754.01 points.

Ang mas malawak na all-shares index ay umangat din sa 0.35 porsiyento, katumbas ng 12.66 puntos, para maabot ang 3,598.51 sa pagtatapos ng trading day.

“Philippine shares edged higher on a relatively quiet session despite the release of the May CPI (consumer price index) reading,” sabi ni Luis Limlingan na hepe ng sales ng Regina Capital Development Corp.

Ang magandang mga ­kaganapan na ito sa business front ay nangyari sa kabila ng ulat ng Philippine Statistics ­Authority na umabot nga sa 5.4% percent ang inflation rate nitong buwan ng Mayo, dahil na rin sa mas mataas na presyo ng mga bilihin partikular ang mga pagkain, gasolina at langis.

Kaugnay nito, sinabi ni Fan Cheuk Wan, HSBC chief investment officer sa Asya, na ang nagpapatuloy na paglusob ng Russia sa Ukraine ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng inflation rate sa iba’t ibang lugar sa mundo.

“With the supply chain ­bottleneck, partly caused by the war, and partly caused by virus, lockdown and containment measures across the world… these have driven up the labor cost, production cost,” paliwanag niya.

Kung papansinin ang nangyaring trading noong Martes, karamihan sa iba’t ibang mga umangat ay iyong nasa tinatawag na subsectors gaya ng pagmimina na nagtala ng 1.91 porsiyento na sinundan ng holding firms at property ­sector na umangat ng 0.90 percent at 0.52 percent, ayon sa pagkakasunod.

Sa madaling salita, ngayon pa lang ay napapatunayan na sablay talaga ang mga black propaganda ng mga kalaban ni BBM noong panahon ng kampanya na tinakot pa ang mga tao na maglalayasan ang mga negosyante sakaling manalo siya.

Buti na lang hindi naniwala ang mahigit 31 milyong botante at ibinoto pa rin siya kung hindi sablay sana tayo, naloko ang bansa ng mapanlinlang pero engot at lutang na lider.