Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : METRO CARAVAN NG BBM-SARA UNITEAM UMARANGKADA

News & Interviews
8 December 2021

By Saksi Ngayon

PATULOY ang paglakas ng suporta ng mamamayan sa tambalan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at vice Presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte na tinawag na BBM-Sara UniTeam.

Kahapon ay dinumog din ang grand caravan ng UniTeam sa Commonwealth na nagtapos sa Welcome Rotonda, ang boundary ng Quezon City at Maynila.

Agad namang nagpasalamat ang tambalan sa kanilang masigasig na mga supporter.

Sa pamamagitan ni Atty. Victor D. Rodriguez, Chief of Staff and Official Spokesperson ni Marcos, Jr., sinabi nitong nagpapasalamat ang BBM-Sara Uniteam sa mga tulong na inihanda ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte para sa okasyon na ginanap kahapon (Disyembre 8).

“At nagpupugay ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte sa pakikiisa ng lahat na taga-lungsod Quezon, maging anoman ang kanilang paniniwalang pulitikal, sa nasabing pagtitipon.

Humihingi na rin ng paumanhin at pang-unawa ang BBM-Sara UniTeam sa mga motorista, byahero, pamahalaang lungsod at maging sa MMDA kung ang nasabing Unity Caravan ay nagdulot ng pagsikip sa daloy ng trapiko.

Hindi po kasi inaasahan ng mga naghanda sa nasabing okasyon na ma-OVERWHELM pa rin ang kanilang masinop at malawak na preparasyon sa dagsa ng mga taga-suporta nina Bongbong at Sara na sabik na makiisa at makita ang kanilang mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Muli, ang pasasalamat ng BBM-Sara UniTeam sa lahat ng kanilang taga-suporta, partikular sa Malayang QC Team nina Mike Defensor, na gumugol ng panahon at sariling resources upang maisabuhay ang inaasam ng tambalang Marcos-Duterte na pagbubuklod ng sambayanan na sinimulan na sa maraming lugar sa bansa sa pamamagitan ng Unity Caravan, na ngayon nga ay isinagawa sa lungsod Quezon,” opisyal na pahayag ni Atty. Rodriguez.

750K votes

Samantala, para kay Quezon City mayoralty candidate at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, hindi bababa sa 750,000 boto ang ibibigay ng Quezon City sa BBM-Sara Uniteam.

“Based sa voters during last election, may 1.3 million registered voters, assuming lang 1.3 and mayroon tayong turnout na almost 80 percent or assume na rin natin na one million, tinataya namin na ang boto ni Bongbong Marcos will be at 750,000 or more in Quezon City. Ika nga supermajority in Quezon City,” ani Defensor.

Mismong si Defensor ay nagulat na dinagsa ng mamamayan ang grand caravan na napilitan nilang gawin matapos tablahin ni Mayor Joy Belmonte ang kanilang request na isagawa ang event sa Quezon City Memorial Circle.

Patunay umano ito na ang silent majority sa Quezon City ay boboto kina Marcos at Duterte sa darating na national at local elections sa May 9, 2022.

“Humihingi ako ng paumanhin sa matinding traffic dahil unexpected talaga ang turnout sa sobrang dami ng mga taong nakiisa. Lumabas talaga sa kalsada ang mga ordinaryong mamamayan. Nakakalungkot na hindi tayo pinayagan na gawin ang ating aktibidad sa loob ng Quezon City Memorial Circle,” ayon sa mambabatas.

Binakbakan din ni Defensor ang disqualification case na isinampa ng iba’t ibang grupo laban kay Marcos dahil wala umano itong basehan at posibleng ito lamang ang paraan nakikita ng mga kalaban para sila ay manalo.

“The only chance of the opponent or a candidate to win is to disqualify BBM, other than that panalo na si BBM,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)