Saksi Ngayon : MAY PAGMAMAHAL SA BANSA, PINAKAMAHALAGANG KATANGIAN HINAHANAP SA GABINETE NI BBM

By Saksi Ngayon

NASA proseso na nang paghahanap ang kampo ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ng pinakamagaling at pinaka-qualified na opisyal na hahawak ng ibat-ibang posisyon sa gabinete ng papasok na administrasyon.

Kasabay nito, iginiit ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Marcos, na ang pinaka-importanteng hinahanap nila sa isang aplikante ay ang pagmamahal sa bansa ng mga aplikante.

“Apart from being competent and qualified, of course yung sinasabi ko kahapon pa ay yung may pagmamahal sa bansa, yung kinikilala ang watawat ng Republika ng Pilipinas, yung rumerespeto sa Saligang Batas at hindi mananawagan ng pagpapabagsak ng gobyerno,” ayon kay Rodriguez sa press conference sa BBM headquarters sa Mandaluyong nitong Biyernes.

Kamakailan lamang ay inanunsyo na ni Marcos ang kanyang pagtatalaga sa kanyang running mate na si incoming Vice President Inday Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Agad naman itong tinanggap ni Duterte at nagpasalamat sa tiwalang ibinigay ni Marcos.

Nito ring Biyernes, inihayag naman ni Rodriguez ang nominasyon ni dating MMDA Chair Benjamin “Benhur” Abalos Jr., bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Si Rodriguez ang inatasang mamuno ng transition team para sa UniTeam kasama sina dating Davao del Norte Rep. Anton Lagdameo, dating Manila Rep. Naida Angping at South Cotabato Gov. Jun Tamayo.

“I would like to announce that Chairman Benhur Abalos has been nominated to the Department of Interior and Local Government and he has accepted the challenge,” ani Rodriguez.

Itinanggi naman ni Rodriguez ang kumakalat sa social media na mga pangalan ng ilang personalidad na itinalaga umano ni Marcos sa gabinete.

“We will give you updates from time to time as soon as there are names that I can announce for the other positions,” sinabi ni Rodriguez.

“We only have two names that we have announced so far, that is Vice President-elect Inday Sara Duterte, for the Department of Education and just now I’m announcing the nomination of Chairman Benhur Abalos to the Department of Interior and Local Government,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ni Rodriguez na lahat ng aplikante sa iba’t ibang posisyon ay siguradong dadaan sa matinding pagsusuri para makasiguro na naka-linya sila sa mga programa nang papasok na administrasyon ni Marcos.