Saksi Ngayon : MATIMBANG ANG ENDORSO NG AKOOFW

10 April 2022

By Joe Zaldarriaga | Saksi Ngayon

OPISYAL nang inendorso ng party-list group na AKOOFW (Advocates and Keepers Organization of OFWs o Overseas Filipino Workers) si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o BBM, bilang pangulo sa darating na halalan sa Mayo. Anila, taglay ni BBM ang katangian na hinahanap nila bilang pro-OFW group at nakatitiyak sila na panganga­lagaan ng dating senador ang kapakanan ng mga overseas worker. Kanila ring inendorso si Astra Pimentel para sa Senado dahil sa pagsusulong nito ng kapakanan at interes ng mga migranteng Pilipino.

Inanunsyo ito ni AKOOFW first nominee Dr. Chie Umandap, isang dating OFW na dentista sa Kuwait. Aniya, kanilang ma­sigasig na pinag-aralan ang mga agenda at posisyon sa iba’t ibang mga isyung panlipunan ng mga kumakandidato sa posisyong nasyonal, sa iba’t ibang mga debate, forum, at mga panayam na lumabas sa telebisyon, radio, ini-stream sa internet, at pati na rin sa mga naisulat at nailathala sa mga dyaryo at online news sites.

Sa nakaraang Senatorial Debate kung saan ang bawat kandidato ay tinanong kung ano ang kanilang prayoridad kapag sila ay mahalal bilang isang senador, binanggit ni ­Pimentel na nangunguna sa kanyang listahan ang pagbibigay halaga sa mga matagal nang pangangailangan ng mga OFW, katulad ng mga programa para mabigyan ng pension, ­pabahay, discount system, at pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Ani Dr. Umandap: “These are indeed among the most pressing needs of migrant Filipino workers and their ­dependents. Miss Pimentel clearly has a firm grasp and understanding of the plight of OFWs, primarily due to her stint as former executive director of the Commission on Filipino Overseas (CFO), an attached agency of the Office of the ­President of the Philippines.”

Ayon sa grupong AKO-OFW, naimungkahi rin ni ­Pimentel sa iba’t ibang mga pampublikong diskusyon na panahon na upang ­amyendahan ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas upang ito ay sumang-ayon sa mga makabago at ­napapanahong pangangailangan ng bansa, kasama rito ang pagbibigay ng maayos na ­edukasyon sa mga naninirahan sa liblib na lugar lalo na ang iba’t ibang mga katutubo ng bansa, pati na rin ang muling pagkakaroon ng negosasyon at pagpapalakas ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Idineklara ng AKOOFW party-list, na pang 10 sa balota, na kanilang susuportahan at ikakampanya ang pagtakbo ni Binibining Pimentel, sa pagka-senador.

Iaanunsyo rin ng AKOOFW na patuloy silang mag-iikot upang mapaabot sa sambayanan ang kanilang adhikain.