Saksi Ngayon : Marcos umapela sa IATF PAGBUBUKAS NG SIMBAHAN PAYAGAN

News & Interviews
18 August 2021

By Saksi Ngayon

SA gitna ng pandemya, tanging pananampalataya na lamang ang kinakapitan ng mga Filipino, kaya naman ang panawagan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., huwag masyadong gipitin ang simbahan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na hindi dapat masyadong pakahigpitan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang simbahan at iba pang pook dalanginan, kasabay ng apelang pahintulutan ang mga taong sumamba at manalangin sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.

“Let them visit their places of worship as long as they follow the IATF-imposed minimum health protocol,” ani Marcos sa isang maigsing pahayag na inilabas ng kanyang tanggapan bilang tugon sa pakiusap ng mga lider ng iba’t ibang religious organizations kaugnay ng diumano’y kawalang konsultasyon ng pamahalaan sa kanilang hanay bago pa man naglabas ng direktibang nagpapatigil sa kanilang mga gawain.

Paliwanag pa ng dating senador, dapat aniyang maunawaan ng IATF na likas na sa mga Filipino ang pagiging deboto sa kani-kanilang paniniwalang ispiritwal kung saan aniya sila humuhugot ng lakas at pag-asa sa gitna ng kawalang katiyakan.

Dagdag pa niya, maging siya mismo ay nakakaramdam ng sigla sa tuwing silang mag-anak ay dumadalo sa misa o galing sa isang panalangin.

“May sinasabi nga kami pati simbahan siguro, pwedeng buksan din. Basta vaccinated na, payagan nang pumunta sa simbahan o mosque, para manalangin o sumamba o anoman. It would be a big help to our well-being, pati na sa mental health pag nakakasimba o nakakapunta sa simbahan,” sambit pa ng dating senador.

“Tayo pa naman dito sa Pilipinas, very devoted tayo eh. Gaya nga ng sinabi ko kanina, may epekto sa mental health ito. Nakakatulong ‘yung nananalangin ka kahit paano. ‘Yung nakakasimba ka, nakakapunta ka sa simbahan, kahit papaano nakakagaan ng puso ‘yan e. Ang karaniwang Pilipino e hinahanap natin ‘yan,” dagdag pa niya.

Malalaki rin aniya ang karamihan ng mga simbahan sa bansa kaya naman hindi masyadong magiging alalahanin ang physical distancing sa kanilang mga deboto.

Nanatiling sarado ang mga simbahan bunsod ng pagbabalik ECQ sa gitna ng lumalalang banta ng pandemya. Tanging virtual masses ang pinahihintulutan.

Kaugnay nito, nakiusap si Bishop Broderick Pabillo sa IATF na konsultahin ang kanilang hanay bago pa man maglabas ng direktibang agarang nagpapatigil sa kanilang mga gawain sa simbahan.

Samantala, lubos naman ang pagtataka ni Caloocan Bishop Virgilio David kung bakit ayaw ng IATF na pahintulutan ang simbahan na tumanggap ng mga deboto samantalang pinahihintulutan nito ang operasyon ng mga fitness center, spa at iba pang establisimyentong labas sa kategorya ng “essentials.”

Panawagan ni David, pahintulutan ang pagbubukas ng mga simbahan maski 30% capacity, kasabay ng pagtitiyak na mahigpit nilang ipatutupad ang minimum public safety protocols.