Saksi Ngayon : MANGGAGAWA BIBIGYANG PROTEKSYON NI BONGBONG

By Saksi Ngayon

SINIGURO ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na prayoridad niya ang pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa bilang bahagi pa rin ng kanyang programa para makaahon ang bansa mula sa pandemya, sakaling manalo sa halalan ngayong Mayo 9.

Humarap si Marcos sa iba’t ibang sektor ng mga grupo ng manggagawa sa isang Town Hall Meeting na itinaon sa paggunita ng Labor Day nitong Linggo sa Quezon City headquarters ng Trade

Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking alyansa ng labor federations na mayroong 1.2 milyong myembro sa buong bansa.

“When it comes to labor, my number one priority is to protect the labor force, doon natin unahin and from there magpo-flow na basta’t maayos ang ating pagtrato sa ating mga workers, I think the rest of all of the issues will flow from that,” ani Marcos, na sinalubong ng sigawan at palakpakan ng mga manggagawa.

Sa naturang Town Hall meeting, natalakay ni Marcos at ng mga labor group ang mga isyu at problema sa kanilang hanay kasabay din nang paglalatag ni Marcos ng kaniyang programa ukol sa paggawa.

Nagpahayag din ng interes si Marcos na gawing priority bill ang Security of Tenure Act, na naglalayong mag-amyenda sa Labor Code para maprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa.

Habang sinusuportahan niya ang paglikha ng hiwalay na departamento para sa mga migrant workers, sinabi ni Marcos na ang iba pang ahensya na may kaugnayan sa labor sector ay dapat ma-streamline.

Pero sa huli, iginiit ni Marcos na prayoridad niya ang pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa para masigurong makababalik at makaaahon ang bansa mula sa pinsala ng pandemya.

“Ang talagang iniisip ko is how to protect the labor force because the labor force is always, sa lahat ng stakeholders sa negosyo parang nahuhuli kung minsan ang boses ng labor,” dagdag niya.

Dumalo rin sa naturang Town Hall Meeting si TUCP president Raymond Mendoza na pinangunahan ang mga manggagawa sa naturang okasyon.

Nauna nang inendorso ng TUCP, ang pinakamalaking labor group sa bansa, si Marcos at ang katambal nito na si Inday Sara Duterte sa darating na halalan sa Mayo 9.

Giit ni Mendoza, malakas ang panawagan ng kanilang 1.2 milyong miyembro sa buong bansa para suportahan ang UniTeam, sa serye ng konsultasyon sa kanilang mga miyembro.