Saksi Ngayon : Magpapalakas sa importasyon ng bakuna TRIPARTITE AGREEMENT IPATUPAD – MARCOS

News & Interviews
7 September 2021

By Saksi Ngayon

ITINUTULAK ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang madaliang paglagda at pagpapatupad ng multi-party agreements (MPAs) ng local government units (LGUs) at pribadong sektor sa national government upang mapabilis ang importasyon ng mga bakuna kontra COVID-19.

Nararapat aniyang bilisan ang pagpapatupad sa MPA sa gitna ng babala ng World Health Organization (WHO) na nakapasok na sa bansa at nananalasa ang mas mabagsik na Delta variant.

“We need to have more people vaccinated, more so now because the Delta variant is now the driving force behind the recent ballooning of Covid cases across the country. And we could only do that if the MPAs are enforced because it would widen the gateway of incoming vaccine supplies,” ani Marcos.

Tinutukoy ni Marcos ang nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11525 (COVID-19 Vaccination Program Act of 2021) na binibigyang laya ang mga LGU at pribadong sektor na bumili ng sariling bakuna sa ilalim ng isang multi-party agreement (MPA) kasama ang pamahalaang nasyunal.

Ngunit tila aniya pinatutulog ang nasabing kasunduan sa kabila ng mga apela ng local leaders at pribadong sektor na lagdaan na ito.

Idinagdag pa ng dating senador na naghain na ng resolusyon ang Senado na humihikayat sa Committee of the Whole na imbestigahan ang MPA upang mabatid kung bakit hindi pa rin ito nalalagdaan ng mga kinatawan gayung naisumite na ito sa pamahalaang nasyunal.

“We have already seen that the LGUs are ready and capable of handling the vaccine rollout. Pero nagiging on and off ang roll out sa kakapusan ng vaccines. Dito sa Metro Manila, lalo na sa mga probinsya,” ayon pa kay Marcos.

Nauna nang pinuna ni Marcos ang kumplikadong proseso na siyang dahilan ng makupad na vaccine rollout ng gobyerno.

Dahil dito, iminungkahi niyang pahintulutan na ang LGUs at pribadong sektor na bumili ng bakuna.

Ayon kay Marcos, kailangang rebisahin ng gobyerno ang kanilang proseso sa pag-angkat ng COVID-19 vaccines mula sa ibang bansa kung nais nitong mahagip ang target na herd immunity. Dapat din aniyang iwaksi ang red tape sa prosesong puntirya ng mga LGU sa gitna ng kapos na suplay na dumarating sa kani-kanilang lokalidad.

“To ensure enough and continuous stocks of vaccines, the government procurement agency must simply cut through the red tape,” saad ni Marcos bilang tugon sa panawagan ng mga gobernador at alkalde mula sa iba’t ibang panig ng bansa.