Saksi Ngayon : MAGPABAKUNA NA PARA IWAS-OSPITAL – BONGBONG

News & Interviews
16 September 2021

By Saksi Ngayon

SA tinatakbo ng sitwasyon sa mga pagamutan kung saan halos hindi na magkamayaw sa dami ng pasyenteng nagpositibo sa nakamamatay sa COVID-19, panawagan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa publiko – magpabakuna na.

Ani Marcos, mas mainam na maging bakunado nang sa gayon ay maiwasang dumating sa puntong kailangan pang magpa-ospital.

Paliwanag ng dating senador, wala na halos paglagyan ng mga pasyente ang mga pagamutan sa dami ng dumarating ng taong positibo sa COVID-19 kada araw. Patunay pa aniya ay ang pila ng mga pasyenteng naghihintay sa labas ng ospital at umaasang sila’y ma-admit kapalit ng gumaling – o pumanaw bunsod ng nasabing karamdaman.

“Kapag na-overwhelm ang ating mga ospital pati ‘yung staff nila, baka mag-collapse ang ating healthcare system,” babala pa ni Marcos.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nito lamang Lunes, 74% ng mga COVID-dedicated ICU beds ang okupado na.

Maging sa Metro Manila, problema na kung saan dadalhin ang mga darating pang pasyente lalo pa’t 22% na lamang ang bankante ICU beds sa nasabing rehiyon.

Sa buong bansa, lumalabas na 74% ng bed capacity ng iba’t ibang ospital ay okupado na, habang mas mababa ng kaunti ang naitala sa Metro Manila na may 72%.

Paliwanag ng mga eksperto, nasa balag na ng alanganin ang healthcare system ng bansa makaraang lagpasan nito ang 70% benchmark na indikasyon ng high-risk level.

Paalala ni Marcos sa publiko, huwag balewalain ang banta ng COVID-19, kasabay ng panawagang magbakuna kontra COVID-19.

Pagtitiyak ng dating Senador, ligtas at epektibo ang mga bakuna – lalo pa aniya’t siya mismo ay minsan nang tinamaan ng COVID-19.

Base sa mga naisapublikong pag-aaral ng mga eksperto, mabisang proteksyon ang bakuna laban sa posibilidad ng severe case o pagpanaw para sa mga bakunado.

Sa datos naman ng Food and Drugs Administration (FDA), lumalabas na 0.0017% lang ng 13.8 milyong bakunado ang nahawahan ng nakamamatay na sakit mula Agosto 29.

“Magpabakuna ka if you don’t want to end up in a hospital bed. Mas mahirap pa kung lumalala ang lagay mo pero you have to wait for hours or even days before getting admitted. Para protektahan ang ating sarili at pamilya laban sa Covid-19, magpabakuna,” pakiusap ni Marcos.

“Sinasabi ng international and local health experts na while pwede ka pa ding mahawa kahit vaccinated ka, vaccines work against hospitalization and even death dahil hindi ka magde-develop ng severe case ng Covid. If ever magka-Covid19 infection ka sa kabila ng kumpleto na ang iyong bakuna ay baka mild lang na pwedeng gamutin sa isolation rooms ng mga hotel,” pahabol pa niya.