Saksi Ngayon : Kapag nahalal ang UniTeam BBM HANDANG BIGYAN NG PWESTO MGA KRITIKO

26 January 2022

By Saksi Ngayon

BILANG bahagi ng isinusulong na pagkakaisa, nakahanda si presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bigyan ng pwesto sa gobyerno, kahit pa ang kanyang mga kritiko.

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na isa ito sa kanyang mga gagawin sakaling palarin na manalo bilang pangulo sa halalan sa Mayo.

Ani Marcos, Jr., lahat ng maaaring makatulong upang pagandahin ang Pilipinas, anoman ang partido, ay dapat na mapakinggan.

Kabilang sa kanyang ikokonsidera sa pagtatalaga ng mga opisyal ay ang kanilang kakayahan at karanasan.

Nauna nang siniguro ng tambalang BBM at Sara Duterte na hindi maiiwan ang Bicol region sa lahat ng magiging proyekto ng pamahalaan sakaling maluklok sila sa pwesto sa darating na eleksyon.

Giit ni Marcos, Jr., bahagi ng kanilang kampanya ang pagkaisahin ang bansa kaya dapat lamang na masiguro na walang maiiwan sa mga programa ng pamahalaan.

“Of course not, hindi naman ganun ang aming (paraan) ng pulitika eh, the elections and politics have their place pero pagka-dumating tayo sa serbisyo publiko, eh siguro ‘wag na natin tinitingnan kung saan nanggaling o kung tinulungan ka sa last elections,” paliwanag ni Marcos.

“Basta’t iniisip ko Pilipino iyan na nangangailangan ng tulong, tulungan mo ganun kasimple lang ‘yan,” dagdag pa ni Marcos nang tanungin siya sa isang panayam kung maiitsa-puwera ba ang rehiyon ng Bicol na kilalang balwarte ni Leni Robredo, sakaling manalo sila.

“That’s the whole point of the UniTeam kaya unity nga eh, kahit hindi tayo nagkakasundo sa lahat (ng bagay), basta tulungan natin ang Pilipino, you do it your way kung anong iniisip mo, I’ll do it my way basta’t nagtutulungan tayo,” ani Marcos.

Nagkakaisang pamumuno ang itinutulak ng UniTeam at ito rin umano ang itutuloy ng tambalan sakaling manalo sa Mayo 2022.