Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : KABATAAN MAHALAGA SA ISINUSULONG NG BBM-SARA UNITEAM NA PAGKAKAISA

News & Interviews
6 December 2021

By Saksi Ngayon

KINILALA ng anak ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na si Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos ang mahalagang papel na gagampanan ng mga kabataan sa pagkakaisa ng bansa.

Sa panayam kamakailan ni Sandro sa lokal na media sa Valencia, Bukidnon, sinabi niya na, “Ang mga kabataang Pilipino ay integral sa pagkakaisa ng buong bansa.”

“Ang mga kabataan ay lubhang napakahalaga hindi lamang para sa ngayon, kundi para sa kinabukasan ng buong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Naging mainit ang naging pagtanggap ng libu-libong tagasuporta ng BBM-Sara UniTeam kay Sandro na kumatawan sa kanyang ama sa isang malaking pagtitipon sa Bukidnon.

Sinabi rin ng panganay na anak ni Bongbong Marcos na normal para sa kanya ang makaramdam ng kaunting ‘pressure’ dahil maaaring ikumpara siya sa kanyang ama at maging sa kanyang lolo na maraming nagawang mabuti para sa mga Pilipino.

“Of course naman ‘yan. Normal naman na pressured ka, lolo ko naging Presidente, marami rin siyang ginawa. Ang daming tinulungan ng tatay ko. Hindi lang sa Ilocos kundi sa buong bansa, but I think what I can say and safely, positively do is try my best at ang maganda naman ay nandun ang aking tatay para tulungan ako, nandun si Majo Martin (Majority Leader Romualdez) para tulungan ako,” ani Sandro.

Para sa 27-taong gulang na si Sandro, gusto niyang magkaroon ng sariling istilo ng pamumuno at sisikapin din niya na matumbasan o mahigitan ang mga nagawa ng kanyang lolo na si dating pangulong Ferdinand Marcos at maging ng kanyang ama na si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

“Dalawang taon na yata nang magtrabaho ako sa Kongreso, so marami rin akong natutunan. Sa tingin ko naman handang-handa ako hindi lang para makapagserbisyo para aking mga kababayan but to put my own style of leadership, my brand of service,” sabi pa nito.

Si Sandro, na tumatakbo sa pagka-kongresista sa unang distrito ng Ilocos Norte ay dumalo sa Unity Rally na isinagawa sa Bukidnon, kung saan nasaksihan niya ang mainit na suporta ng libu-libong mga tagaroon sa BBM-Sara UniTeam.

Humingi ng paumanhin ang batang Marcos dahil hindi nakadalo ang kanyang ama na si BBM, gayundin ang runningmate nito na si Inday Sara sa pagtitipon.

Gayunman, ipinangako ni Sandro na sa susunod na pag-organisa para sa BBM-Sara UniTeam ay siguradong darating ang inaabangang tambalan sa Bukidnon.

Nanguna sa BBM-Sara UniTeam Bukidnon sortie sina Valencia City Mayor Azucena Huervas, Vice-Mayor Pol Murillo, Councilor Oliver Garcia, Congressmen Rogelio Niel Roque (1st District) at

Congressman John Flores Bukidnon (2nd District) vice-governatorial bet Pastor Dan Dangalo at Councilor Oliver Garcia na presidente ng Philippine Councilors League.

Kasama ni Sandro sa humarap sa libu-libong BBM-Sara UniTeam supporters ang tiyuhing si House Majority Leader Martin Romualdez.

Samantala, nang tanungin kung ano ang magiging role sakaling palarin ang ama na manalo sa nalalapit na presidential election, kaagad itong sumagot na isusulong niya ang mga programa na may kinalaman sa mga kabataan.

“Alam mo sa totoo lang, kailangan pong asikasuhin natin ang mga nangyayari sa halalan, kung paparating tayo diyan, sa awa ng Diyos, tsaka lang natin magagawa ang mga programa para sa mga kabataan dahil para kay BBM, para kay Mayor Sara Duterte, alam naman po natin na ang kabataan ay napakahalaga ng kanilang ginagampanang papel sa pagtataguyod ng pagkakaisa at para sa pag-ahon ng bansa mula sa krisis na dala ng pandemya,” ani Sandro.

Naniniwala rin si Sandro na ang sektor ng kabataan ang isa sa magiging prayoridad ng Marcos-Duterte administration.

“They will be a priority of course sa mga specific na programa kailangan ko muna of course kausapin ang aking tatay and of course I will be an advocate for promoting the youth and making sure that their voice will be heard,” dagdag pa ng tinaguriang ‘heartrob’ ng social media.

“I will be there to help him wherever he can but I’ve always said, lagi ko naman sinasabi marami naman matatalino sa pamahalaan, marami naman mas kaya (magaling) sa government. Mas marami pa silang experience,” ani Sandro.

Kung sakaling palarin na manalo bilang kongresista sa unang distrito ng Ilocos Norte, tiniyak ng batang Marcos na isa siya sa mangunguna upang isulong ang anomang legislative agenda ng ama.
“Nandoon ako para tulungan siya sa kanyang legislative agenda kasama si Majo Martin dun sa 18th Congress na sasama ako sa kanya but sa totoo lang, I don’t want to get ahead of myself.

Hindi pa tayo nakarating diyan, so kailangan mag-focus muna tayo sa kailangan nating gawin and that is to win the election and to make sure our country is reunited for the things to come,” sagot pa ni Sandro.

Sa isyu ng bakuna, sinabi ni Sandro na ang kabataang Pinoy ay mulat na sa kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19. Ang medyo kailangan pa aniyang hikayatin ngayon ay iyong ibang kababayan na posibleng hindi nabibigyan ng tamang impormasyon.

“Sa tingin ko naman po, hindi naman po yan problema sa mga kabataan na magpabakuna na sila. Ang problema naman sa iba para sa akin, ang problema sa mga mas matatanda medyo nagpapadelay (ng konti) para magpabakuna,” sabi pa nito.

Ang panawagan pa ni Sandro, lalo sa mga tagasuporta ng BBM-Sara UniTeam ay suportahan din ang programa ng pamahalaan para sa bakuna.

“Ang hiling ko lang sa kanila ay hindi lang suportahan ang BBM-Sara UniTeam kundi magpabakuna rin sila, kasi yan lang ang cure at paraan kung paano natin tatalunin ang pandemya na ito,” sabi pa ni Sandro.