Saksi Ngayon : JPE, FAUSTINO AT GUEVARRA PASOK SA MARCOS JR. CABINET – BBM SPOX

18 June 2022

By Saksi Ngayon

NAKATAKDANG bumalik sa gobyerno bilang Presidential Legal Counsel ang 98-anyos na dating Senate President Juan Ponce Enrile at outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra bilang Solicitor General, ayon mismo kay press secretary-designate Trixie Cruz Angeles.

“President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. has added three new names to his list of cabinet officials with fourteen days remaining before his inauguration,” ani Angeles sa isang kalatas.

“Among the new nominees is former Philippine Senate President Juan Ponce Enrile, who will re-enter public service as Presidential Legal Counsel-designate six years after announcing his retirement from politics in 2016.”

Bukod kina Enrile at Guevarra, pasok rin sa kanyang administrasyon Marcos Jr., si General Jose Faustino Jr., (Ret.), na nagsilbing ika-56 na Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bago tuluyang nagretiro buwan ng Nobyembre ng nakalipas na taon.

Higit na kilala si Enrile bilang Defense Minister ng yumaong dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. Sa loob ng 50 taon, itinuon ng dekampanilyang mambabatas ang kanyang sarili sa pagsisilbi sa gobyerno bilang Finance Minister mula 1966 hanggang 1968, Justice Minister mula 1968 hanggang 1970 bago pa man itinalaga ng ama ng susunod na Pangulo bilang Defense Minister mula 1972 hanggang 1986.

Nang mawala sa poder ang matandang Marcos, nanalo naman si Enrile bilang senador – posisyong kanyang hinawakan ng apat na termino bago tuluyang nagretiro taong 2016.

Sa paghahain ni Marcos Jr. ng kanyang kandidatura para sa posisyon ng Pangulo, ibinuhos ng 98-anyos na si Enrile ang suporta sa tambalang Marcos Jr.-Sara Duterte.

“I will devote my time and knowledge for the republic and for BBM because I want him to succeed,” ani Enrile sa isang hiwalay na pahayag.

Samantala, tinanggap na rin ni Guevarra ang hamong kalakip ng pagiging Solicitor General.

Tulad ni Enrile, kilala ring mahusay na abogado sa nakalipas na 30 taon si Guevarra na nagtapos noong 1974 na magna cum laude sa Ateneo de Manila kung saan niya kinuha ang kursong political science at abogasya. Taong 1985 naman nang pumangalawa sa bar examination si Guevarra.

Minsang naglingkod ang ousting Justice Secretary sa National Economic and Development Authority (NEDA) mula 1977 hanggang 1983, bago sumabak bilang abogado at professor sa Ateneo kung saan siya nagturo ng civil law, criminal law at administrative litigation.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, una siyang itinalagang deputy executive secretary bago inilipat sa DOJ bilang kalihim.

Ayon pa rin sa incoming press secretary, hihirangin namang Senior Undersecretary si Faustino ng PMA Class of 1988, hanggang Nobyembre bago tuluyang italaga bilang Defense Secretary.

“Faustino’s situation was similar to current Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año’s case, whom President Duterte designated as officer-in-charge but later assumed the Secretary position once the appointment ban lapsed.”