Saksi Ngayon : IPM-MNAP TODO SUPORTA SA BBM-SARA UNITEAM

21 March 2022

By Saksi Ngayon

INENDORSO ng grupong Pagbabago Movement -Mahalin Natin ang Pilipinas (IPM-MNAP) ang tambalang Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Inday Sara Duterte.

Kasabay ng panunumpa ng mga miyembro at opisyales sa Maynila na pinangunahan nina Engr. Faith Recto at Chairman Gov. Claude Bautista, nagpakita ang samahan ng kanilang buong pagsuporta sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at running-mate nitong si Inday Sara.

Ang IPM-MNAP ay binubuo ng iba’t ibang alyansa, grupo ng mga abogado, engineers, volunteers, businessmen, university owners at institusyon na mayroong kabuuang 7,732,000 rehistrado at verified members mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Tiniyak naman ni Recto, isang AAA contractor na walang anomang kapalit ang pagsuporta nila sa naturang tambalan at ang lahat ng kanilang miyembro ay pawang mga volunteer at sila rin ang nagpopondo sa kanilang grupo.

Ani Recto, masidhi ang kanilang kagustuhan na sina BBM-Sara ang suportahan para maging susunod na mamumuno sa bansa dahil naniniwala sila na “selfless leaders” ang mga ito.

“Hindi uunahin nina BBM-Sara kanilang mga sarili kung hindi ang kapakanan muna ng taumbayan ang mas bibigyan nila ng prayoridad kung sakaling pamumunuan nila ang buong bansa,” wika ni Recto.

Naniniwala ang grupo na ipagpapatuloy nina BBM-Sara ang nasimulang pagbabago at pag-unlad ng bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ama ni Mayor Sara.