Saksi Ngayon : Iba’t ibang usapin tinalakay sa mga envoy BBM NAKATUON SA TULOY-TULOY NA PAGBANGON NG PINAS

14 June 2022

By Saksi Ngayon

(CHRISTIAN DALE)

PATULOY ang pakikipagpulong ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kinatawan ng iba’t ibang bansa kaugnay sa kanyang mga plano sa loob ng anim na taong panunungkulan na nakatuon sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya at kahirapan.

Sa kanyang pakikipag-usap sa kinatawan ng Denmark, nabuksan ang usapin sa paggamit ng “sustainable and renewable energy” sa Pilipinas.

Sinabi ni Danish Ambassador Grete Sillasen, ang kanilang pagpupulong ni Marcos Jr. ay nakatuon sa “green transition,” kabilang na ang pagpapanatili sa paggamit ng enerhiya.

Ang Denmark ay kilala sa pagde-develop ng commercial wind power.

“The president-elect certainly builds on the good experience from his own province in Ilocos Norte and thereby also looks into how the increase of wind power can go into the mix. But no actual plans as such–more on dedication to seeing that sustainable and renewable energy is the way we need to look,” ayon kay Sillasen nang tanungin hinggil sa plano ni Marcos pagdating sa pagpapalawig sa wind energy sector sa bansa.

Hinggil naman sa posibilidad ng pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, sinabi ni Sillasen na ang bawat bansa ay kailangan magdesisyon sa kanilang source of energy base sa kanilang pangangailangan.

“In my country in particular, we don’t have nuclear energy and there was a decision not to use it but everything is up for re-evaluation so it could be one element,” ayon kay Sillasen.

“But we all need a varied mix so we don’t rely on one thing only,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, sinabi ni Marcos na bukod sa nuclear power, dapat mayroon ding malakas na pagsusulong para sa mas ‘renewable energy plants’ sa bansa kabilang na ang wind energy.

Aniya, may potensyal ang Pilipinas na maging “major wind power producer” sa buong mundo, na kailangan aniyang mapagtanto ng bansa.

“Innovation, agriculture”

Samantala, ang “innovation at technologies” ng Israel ang mga pangunahing paksa sa isinagawang courtesy call ng envoy nito sa Pilipinas kay Marcos Jr.

“In general, we discussed about creating bridges between Israel and the Philippines to get our relations closer. I would say creating bridges of innovation between our two countries,” ayon kay

Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss.

Isa siya sa mga envoy na nakipagkita kay Marcos Jr., kasama ang Russia, Egypt, at Denmark.

Isang global hub of innovation at source of technologies, ayon kay Fluss ang pinag-usapan nila ni President-elect Marcos Jr.

Tinalakay ng mga ito kung paano ang kasanayan ng Israel ay makapag-aambag sa pagpapaunlad sa Pilipinas.

Sinabi pa rin nito na isa sa priority areas na kanilang napag-usapan ay agrikultura, industriya kung saan kinokonsidera ang Israel bilang global leader.

Aniya, partikular na interesado si Marcos Jr. sa pagpapanatili ng agrikultura.

Idinagdag pa ni Fluss na ang ‘defense’ ay kabilang sa maraming ‘areas of cooperation’ na kanyang tinalakay kay Marcos Jr., bagama’t sinabi niya na hindi nila napag-usapan ang anomang “specific deals.’

Ang Pilipinas at Israel ay may 55 taon na diplomatic relations.