Saksi Ngayon - Hirit ni Gadon sa pag-impluwensya sa PET LEONEN PARUSAHAN

News & Interviews
25 November 2020

By Saksi Ngayon

NELSON S. BADILLA

NANINIWALA si Atty. Larry Gadon na dapat parusahan si Associate Justice Marvic Leonen dahil sa pag-impluwensiya umano nito sa ibang mahistrado laban sa protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

“Leonen, in fact, should be questioned and sanctioned for pre-empting the ponente and for influencing bias against BBM among the minds of other justices,” paliwanag ni Gadon.

Ang pahayag ng abogado ay reaksyon niya sa pagbabago ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa utos ni Leonen kay Solicitor General Jose Calida at reporter Jomar Canlas na “show cause order” dahil sa pagbubunyag ng sinasabing “reflection” ng mahistrado hinggil sa protesta ni Marcos.

Ang tinutukoy na reflection o pananaw, ay ang 25-pahinang isinulat ni Leonen noong hindi pa siya ang “ponente” o “officer – in – charge” sa kaso na tahasang humihikayat umano sa iba pang kasapi ng PET na ibasura ang protestang elektoral ni Marcos laban kay Robredo.

Ang orihinal na ponente ay si Justice Alfredo Benjamin Caguioa.

Naging ponente si Leonen noong Oktubre 29, 2019 makaraang magretiro si Caguioa.

Binago ng PET ang utos ni Leonen laban kina Calida at Canlas dahil ang gustong mangyari ng buong PET, sa pamumuno ni Chief Justice Diosdado Peralta, ay magpokus ang PET, kasama si

Leonen, sa protesta ni BBM upang makausad na ang korte.

Isinampa ni Marcos ang kanyang protestang elektoral noong Hunyo 29, 2016.

Hanggang ngayon inaabangan ni Marcos ang ikatlong aksyon ng kanyang protesta na pagbabalewala ng mga boto sa eleksyong naganap sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao noong 2016 dahil umano sa malaganap na pandaraya, panggugulo at pananakot.

Nangangahulugang ayaw na rin ng mga mahistrado na mag-aksaya pa ng oras ang PET upang pag-isipan pa kung parurusahan o hindi sina Calida at Canlas hinggil sa lumang dokumento ni Leonen.

Ayon kay Gadon: “the withdrawal of the show cause order against Solgen Calida and journalist Jomar Canlas shows that the “reflection” letter of AJ Leonen which was distributed to the SC justice did not form part of the records of the case as he was not the ponente of the BBM PET protest at that time (June 2017)”.

“As Marvic Leonen was not the ponente, his reflection letter was an instrument aimed at exerting undue influence and pressure on the other justices as it calls for the outright dismissal of the case,” giit ni Gadon.

Naniniwala ang abogado na hindi masama ang paglalabas sa media ng pananaw ni Leonen dahil hindi naman ito “confidential documents”.

Iba ito sa paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema nang wala sa tamang iskedyul tulad nang naganap sa “draft” ng desisyon ng mataas na korte na isinulat noon ni Associate Justice Ruben Reyes.