Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : Hiringgilya para sa vax program GAWANG PINOY IPRAYORIDAD – BBM

News & Interviews
16 November 2021

By Saksi Ngayon

HINIMOK ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang gobyerno na unahin ang paggamit ng mga locally-made na hiringgilya upang matugunan ang kakulangan sa suplay na maaaring makahadlang sa vaccination program ng bansa.

Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na kailangang tugunan ang problema lalo na’t papalapit na ang gobyerno sa layunin nitong makapagbakuna ng 50 porsyento ng Pilipino sa pagtatapos ng taon.

“Maganda na ang development ng ating pagbabakuna ngunit kung ito ay panandaliang hihinto o babagal dahil sa kakulangan ng supply sa hiringgilya. Nararapat na magawan ito agad ng paraan dahil buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakasalalay,” sabi ni Marcos.

Ayon sa Department of Health (DoH), mayroon ngayong pandaigdigang kakulangan sa supply ng hiringgilya kaya’t ginagamit nila bilang pamalit ay isang uri ng hiringgilya na tumutukoy kung ang isang pasyente ay may tuberculosis. Ito ay ginagamit sa ngayon para sa mga mRNA vaccines gaya ng Pfizer at Moderna.

Dagdag ni Marcos, mas mabuti kung ang pamahalaan ay bibili ng mga hiringgilya mula sa local manufacturers kaysa magkanya-kanya ang Local Government Units (LGUs) para lang makahanap ng kanilang magagamit.

Aniya, ang pagsuporta sa local manufacturers ng medical supply ay makatutulong para madagdagan ang trabaho at mapasigla ulit ang ekonomiya.

Makasisiguro rin ng sapat na supply kung dito na sa bansa kukuha ang gobyerno dahil hindi na aasa sa mga international suppliers na maaaring maapektuhan ng isyu sa global supply chain.

“Napakahalagang sinusuportahan natin ang sariling atin. Mas makakasiguro pa tayo na darating sa tamang oras ang mga supply na kailangan natin sa pagbabakuna. Ang pagsuporta sa mga local manufacturers ay malaking tulong sa kanila upang makapagbigay sila ng trabaho at dagdag na kita sa ating bansa,” sabi ni Marcos.

Sa ngayon, meron lamang tatlong local manufacturers ng hiringgilya sa bansa kaya naman sinabi ni Marcos na kailangan pang magtayo ng mga kumpanya na makatutulong sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon ng medical supplies.

Ayon sa National Task Force Against COVID-19, nakatanggap na ang bansa ng kabuuang 123,258,340 bakuna laban sa COVID-19 simula Pebrero. Sa bilang na ito, 69,713, 994 ay naibakuna na sa mga Pilipino.

“Dapat pa nating pag-igihin ang ating programa sa pagbabakuna upang mas marami sa ating mga kababayan ang mahikayat at tuluyan na tayong makabangon sa pandemyang ito,” sabi ni Marcos.