Saksi Ngayon : Handa na ring magsilbi SANDRO MARCOS SA 1ST DISTRICT NG ILOCOS NORTE

News & Interviews
17 September 2021

By Saksi Ngayon

PARA sa pinakamalaking organisasyon ng mga Ilokano, malalagay sa dehado ang pwestong hawak ngayon ng anak ng kontrobersyal na dating Ilocos Norte Gov. Rudy Fariñas bunsod ng planong pagkandidato ng 27-anyos na anak ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Ayon sa United Ilokano Front (UIF), bagamat kapapanabikan ang salpukan ng mga batang Marcos at Fariñas, inaasahan nila ang pananaig ng mas may kakayahang tumugon sa mandato ng isang kinatawan para sa Ilocos Norte.

Sa kanilang pagtataya, bukod sa balwarte ng mga Marcos ang Ilocos Norte, di hamak na mas mahusay at kwalipikado ang junior ni Marcos na si Ferdinand Alexander o higit na kilala bilang Sandro Marcos sa kanilang lalawigan.

Anila, si Sandro ay hubog sa panahong inilagi niya bilang political affairs officer ng tiyuhing si House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, at sa pagiging economic consultant ng pinsan nitong si Ilocos Norte Gov. Matthew Manotoc, kung saan anila nagpamalas ng husay ang anak ng dating senador.

Sa pananaw ni Max Edralin, isang batikang peryodista, ang laban sa pagitan ng mga millennial na sina Sandro Marcos at incumbent Ilocos Norte 1st district Rep. Ria Fariñas ang nakikitang pagtatapos ng mahabang panahon ng tunggalian sa pagitan ng dalawang pamilya.

Malaking bentahe rin, ayon sa UIF ang suportang inihayag ng mga local leaders sa Ilocos Norte. Kabilang sa mga nagsusulong sa kandidatura ni Sandro ay ang kanyang pinsang gobernador, ang bise-gobernador, 2nd district Rep. Angelo Barba at maging ni Mayor Michael Keon ng Laoag City kung saan nakabase ang mga Fariñas.

“We are seeing a third generation fight in Ilocos Norte in 2022. Bongbong said his son Ferdinand III or Sandro is running for Congress in the 1st district against the incumbent reelectionist Rep. Ria Christine Fariñas, the daughter of Rudy Fariñas who controlled the first district before letting her daughter run,” ani Edralin sa kanyang FB post kamakailan.

Dagdag pa niya, ang pagpasok ng pinakabatang Marcos ang kukumpleto sa line-up ng pamilya Marcos, kasunod ng deklarasyong ginanap sa bayan ng Sarrat kung saan nagmula ang kanyang lolo – si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.

“All in the family. The young Sandro launched his candidacy yesterday in Sarrat, the birthplace of his Lolo the former President Ferdinand which is in the first district. Ilocos Norte is rated high in tourism, agriculture and energy development. It is there where you see windmills generating electricity.”

Maging si Edralin ay tila namangha sa lawak ng karanasan ni Sandro.

“Marcos is currently the political affairs officer of his uncle, House Majority Leader Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez. He is also the economic consultant of the Ilocos Norte governor,” dagdag pa niya.