Saksi Ngayon : GRUPO NG FILIPINO-CHINESE VOLUNTEERS PARA KAY BBM

5 April 2022

By Saksi Ngayon

NAGSAGAWA ng pagtitipon ang nasa 200 Filipino-Chinese volunteers na nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ginanap ang pagtitipon sa President Grand Palace sa Binondo, Manila kamakalawa na dinaluhan din ng kapatid ni BBM na si Senator Imee Marcos.
Naroon din sina Atty. Alex Lopez na tumatakbong alkalde ng lungsod at running mate nitong si Raymond Bagatsing gayundin ang apat sa kanilang konsehal sa Distrito 3 na sina Aileen Rosales, Nino Beltran Magno, Joey Jamisola at Nelson Ty, at ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas para sa Kongreso na si Ramon Morales.
Nagalak at nagpasalamat si Senadora Imee sa paanyaya ni Chairman Andy Que.
Ikinuwento rin niya ang karanasan niya at kanyang pamilya sa Binondo tulad ng pagkain sa mga panciteria.
Bumalik sa alaala ni Imee na ang kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos ang naging panauhing pandangal sa launching ng President Grand Palace, ilang dekada na ang nakalipas.
Kinilala ni Senator Imee ang malaking ambag ng Chinese community sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa dahil sa negosyo at trabahong dala nito.
Binanggit din niya ang pagkakaroon ng judicial naturalization para sa mga Chinong naninirahan at naging kabahagi na ng bansa upang sila ay maging lehitimong Pilipino. (RENE CRISOSTOMO/JULIET PACOT)