Saksi Ngayon : GRAND RALLY NG UNITEAM SA MAYNILA KASADO NA

21 April 2022

By Saksi Ngayon

MAGDARAOS ng makasaysayang grand rally ang Uniteam sa darating na Sabado, April 23, alas-3:00 ng hapon sa Earnshaw St. corner Bustillos St., Sampaloc, Manila sakop ng distrito 4.

Inaanyayahan ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas sa pagka alkalde ng lungsod na si Atty. Alex Lopez ang mga Manilenyo na makilahok sa rally.

Hiniling ni Mayor Alex ang suporta ng lahat ng Manilenyo para sa pagbabalik ng tinaguriang Tigre ng Norte na si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at Mayor Inday Sara na Agila naman ng Davao.

Magsisilbing host sa programa sina Ai Ai delas Alas at Bayani Agbayani na kilalang tandem sa pagpapatawa.

Samantala, laking pasasalamat ni Atty. Lopez sa lahat ng Manilenyong pumabor sa kanyang kandidatura kaugnay ng mga naglabasang survey ng iba’t ibang sektor kung saan siya ang nangunguna.

Naging usap-usapan si Atty. Alex sa iba’t ibang sektor ng lungsod sa ginawa nitong pagpuna sa mga katiwalian at maling pamamalakad ng administrasyon nina Mayor Isko Moreno at VM Honey Lacuna.

Hindi mabura ang isyu ng pagbebenta ng Divisoria Public Market kung saan humingi ng tulong kay Atty. Lopez ang mga vendor upang mapawalang-bisa ang nasabing bentahan.
Bukod sa nasabing isyu, agaran ding tumugon si Lopez sa panawagan ng taumbayan para mapabilis ang pag-release ng food packs at social amelioration ng senior citizens. (JULIET PACOT)