Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : EX-DPWH SEC. MARK VILLAR PASOK SA BBM-SARA UNITEAM SENATE SLATE

News & Interviews
9 December 2021

By Saksi Ngayon

KINUMPIRMA ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na kasama sa binubuong Senate slate ng BBM-Sara UniTeam si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Kabilang si Villar sa mga kasamang senatoriables ni Marcos Jr. kaninang umaga sa UniTeam Rally na isinagawa sa Bacoor City, Cavite. Nilinaw rin ni Marcos na isa si Villar sa mga unang isinama sa kanilang Senate slate.

“Well that is not a surprise for me, because to tell you the truth, Mark Villar is one on the first of our senatorial lists because siya ang una kong nakausap,” paliwanag ni Marcos Jr.
Ayon pa kay Marcos Jr., matagal na niyang kausap si Villar hinggil sa plano nitong pagtakbo bilang senador.

“Bago pa mag-filing maliwanag ang kanyang balak na tumakbo bilang senador at magkaibigan naman talaga kami ng mga Villar dahil galing nga ako ng Nacionalista Party (NP),” sabi ni Marcos Jr.

Nabanggit din ni Marcos Jr. na malapit nang ianunsyo ng BBM-Sara UniTeam ang kumpletong senatorial slate nito sa mga susunod na linggo.

“By the way I fully intend to announce our Senatorial line up in the next few days because medyo nabubuo na. We just have to fix the arrangement between the different parties. Yun na lang, mga formalities na lang ng mga grupo,” pahayag ni Marcos Jr.