Saksi Ngayon : EDSA 1 alamat na lang PAMANGKIN NI CARDINAL SIN KAISA NG UNITY CALL NI BBM

22 February 2022

By Saksi Ngayon

KALIBO, Aklan — ISA sa mga paboritong pamangkin ng namayapang si Jaime Lachica Cardinal Sin ang nagpapatunay na nawalan na ng saysay ang 1986 EDSA People Power dahil hindi naman ito aniya nakatulong para dalhin ang bansa sa tunay na pag-unlad at pagbabago.

Dahil dito ay nakatitiyak ang pamangkin ni Cardinal Sin na si dating Kalibo Mayor William Lachica na ang mapait na karanasan ng bansa na dulot ng EDSA ay siyang dapat magbibigay aral din na ang totoong pagkakaisa lamang ang tunay na daan upang umunlad ang bayan.

At ang paniniwalang ito hinggil sa pagkakaisa ang nagtulak kay Lachica, na tumatakbo sa pagka-gobernador ng Aklan at dahilan na rin para maging masigasig siyang tagasuporta ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sinabi pa ni Mayor Lachica na kumbinsido siya na kung buhay ang tiyuhing si Cardinal Sin, nanaisin din nitong yakapin ang panawagang ‘unity’ ni Marcos, sa halip na pagkakawatak-watak ng ating mga kababayan.
“Kung buhay si Cardinal Sin ‘yun din ang kanyang magiging hangarin, na magkaisa ang mga tao at kalimutan na ang pagkakawatak-watak dahil sa pulitika. Napakahaba ng mahigit 30 taon at nakita naman nating halos walang nangyari sa bayan natin,” anang alkalde sa isang panayam.

Si Lachica ay mahigit 20-taong gulang pa lamang nang mangyari ang tinatawag na Edsa Revolution.

Ito rin ang naging daan upang sumabak siya sa pulitika sa kabila ng katotohanang sila’y mula lamang sa ordinaryong pamilya, salamat sa popularidad ng tiyuhing nagbigay gabay rin sa kanya ng mabuting pamamahala at tuwid na paglilingkod sa bayan.

“Nagsimula ako bilang konsehal, hanggang maging mayor at ngayon nga ay tumatakbo bilang gobernador. Sa palagay ko malaking bagay din ang pagiging kamag-anak ko sa kaniya, pero kung hindi din naman ako nagsikap na maglingkod nang maayos eh hindi din naman siguro ako ihahalal ng mga kababayan ko,” malumanay na sabi pa ng alkalde.

Nang tanungin kung bakit Partido Federal ng Pilipinas ni Marcos ang kanyang sinalihan, mabilis na sinabi ni Lachica na siya at ang kanyang pamilya ay nagsimula ring ikumpara ang buhay noon sa nangyayari sa pamahalaan ngayon.

Isa na rito ang pagbagsak ng ekonomiya at patuloy na pagkakalugmok sa kahirapan ng karamihan sa mga Pilipino.

“Iba talaga sa panahon nung matandang Marcos. Nakikita mo ang pag-unlad na malayung-malayo sa nangyayari ngayon. Kaya naman nung pumasok ako sa pulitika marami akong kinopya sa kanyang pamamalakad dito sa aming probinsya,” sabi pa niya.

Inamin ni Lachica na noong una’y may ilan din sa kanilang pamilya ang kumontra, lalo’t batid nila ang malaking ambag ng tiyuhin sa pagpapatalsik sa dating Pangulong Marcos, ngunit kalaunan ay napagtanto rin nila na ang tatay ni Bongbong ang pinakamagaling na naging presidente ng bansa.

Ang lolo ni Lachica ay kapatid ng nanay ni Cardinal Sin.

“Naniniwala akong ipagpapatuloy ni Bongbong ang mga nasimulan ng kanyang ama. Para sa aming pamilya, napakalaking bagay na nakikita namin siyang nagpapakumbaba at umiiwas sa mapanira at mapagwatak-watak na pulitika,” wika pa nito.

Idinagdag nitong kasaysayan na lang din ang makapagsasabi kung tama ba o hindi ang naging desisyon ni Cardinal Sin noong panahon ng 1986.

“Pero sa ngayon ang tingin ko tanging ang kanyang anak lamang, si Bongbong, ang makakapagpaahon sa atin sa mga problema nating kinakaharap. Kaya’t naniniwala kami sa kanyang panawagan ng pagkakaisa upang matupad ang kanyang mga pangarap para sa bansa,” pagbibigay diin ni Lachica.

UniTeam
sa Pampanga

Samantala, hinimok ng magkatandem na BBM-Sara ang mga opisyal ng lalawigan ng Pampanga na magkaisa sa darating na halalan at maging pagkatapos nito.

Panauhing pandangal sina Marcos at Duterte sa selebrasyon ng kaarawan ni Pampanga Bise Gobernador Lilia ‘Nanay’ G. Pineda.

Ginanap ang nasabing selebrasyon sa Bren Z. Guiao Convention Center at Kingsborough International Convention Center, San Fernando, Pampanga na dinaluhan ng iba’t ibang lokal na opisyal ng lalawigan, kung saan namataan sa programa ang mga senador at iba pang kilalang politiko.

Maging ang mga opisyal ng barangay, mga barangay health workers at barangay workers ay imbitado rin sa programa.

Ayon sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas, ang kanilang kilusang pagkakaisa ay lumalawak na, nagsimula lamang sa isang bulong na ngayon ay nakikita na sa bawat lugar na kanilang pinupuntahan ni Sara.

“Nakakatuwa na ang aming sinisigaw na pagkakaisa ay lumalawak na, nagsimula lamang sa isang bulong na ngayon ay nakikita na sa bawat lugar na aming pinupuntahan ni Mayor Sara,” ayon sa pambato ng PFP.

“Ngayong araw na ito nagsimula na ang pagkakaisa, nakita na sa inyong lalawigan kaya dapat ipagpatuloy natin itong ating nasimulan hindi lamang ngayon, hanggang pagkatapos ng eleksyon,” dagdag pa niya.

Hiniling naman ni Duterte na suportahan ang kanilang adbokasiya sakaling maluklok sila ni Marcos na presidente at bise presidente sa darating na halalan.

“Simulan po natin sa pagbalik ng trabaho na nawala dahil sa pandemya. Pangalawa ang pagpapatuloy ng reporma na nasimulan ni Pangulong Duterte, particularly the Build, Build, Build project o infrastructure development spending ng ating bansa, at ‘yung pagsugpo sa krimen at ilegal na droga sa ating komunidad,” sabi ni Mayor Inday.

“Paano ito masisimulan? Kapag tayo pong lahat ay magkakaisa,” dagdag pa ni Duterte.