Saksi Ngayon - Double standard ni Drilon laban sa Comelec exec kinuwestyon SALN NI LEONEN HINGIN DIN

News & Interviews
17 January 2021

By Saksi Ngayon

IPINAMALAS ni Senador Franklin Drilon ang higpit niya sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng bagong opisyal ng Commission on Elections (Comelec).

Gusto ni Drilon na ilabas ni Aimee Ferolino Ampoloquio ang kanyang SALN at maging dokumento ng kayamanan ng kanyang asawang negosyante bago siya bumoto sa pagtalaga rito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Ampoloquio ay 15-taon nagtrabaho sa Comelec sa Davao del Norte bago itinalaga ni Duterte sa Comelec.

Binatikos ni Senador Francisco Tolentino ang ipinipilit ni Drilon dahil hindi naman kailangan pati dokumento ng kayamanan ng asawa ni Ampoloquio upang kumpirmahin ng Commission on Appointments (CA) ang pagtalaga sa kanya ni Duterte.

Kailangang italaga uli ni Duterte si Ampoloquio matapos tumutol si Drilon sa pagkakatalaga nito.

Si Drilon ay isa sa mataas na opisyal ng Liberal Party (LP) sa kasalukuyan.

Nakagugulat ang bagsik ni Drilon tungkol sa SALN dahil ipinamalas nito sa publiko, sa pangkalahatan, at sa Senado, sa partikular, na double standard ang senador mula Iloilo hinggil sa isyu ng kayamanan ng bagong talagang opisyal ng Comelec at asawa nito, samantalang kilalang kinampihan niya nang lantaran si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na inaakusahang hindi naghain ng SALN ng 15-taon habang propesor ng abogasya sa University of the Philippines-College of Law.

Ang nagtalaga kay Leonen sa Korte Suprema noong Nobyembre 29, 2012 ay si dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III na hanggang ngayon ay kinkilala pa ring isa sa mga pinuno ng LP.

Dahil sa ipinakitang tapang ni Drilon tungkol sa SALN, aabangan ng publiko kung iipitin din niya si Leonen kapag nakarating sa Senado, bilang impeachment court, ang kasong inihain ng Filipino League Advocates for Good Governance-Maharlika (FLAG-Maharlika) sa pangunguna ng pangkalahatang kalihim nito na si Edwin Cordevilla.

Idiniin ni Cordevilla na ang hindi pagpapasa ni Leonen ng SALN nang 15 ulit ay sadyang paglabag sa Seksyon 17, Artikulo XI ng Saligang Batas, maliban pa sa Republic Act 6713, o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official and Employees. (NELSON S. BADILLA)