Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : DIRETSO SA BASURAHAN

News & Interviews
5 November 2021

By Saksi Ngayon

MALAMANG sa hindi, mauuwi sa basurahan ang petisyong diskwalipikasyon sa kandidatura para sa pagkapangulo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Malinaw naman kasi ang nakasaad sa Omnibus Election Code – tanging mga kandidatong nahatulan sa kasong may karampatang parusang 18 buwang pagkakakulong pataas ang maaaring ma-diskwalipika sa halalan.

Tama naman sabihing hindi na maaaring tumakbo sa ano mang posisyon sa gobyerno ang mga sentensyado, pero nakalimutan sigurong basahin ng mga abogadong gumawa ng ­petisyon ang mga sumunod na probisyong nagtatakda ng mga detalyeng kalakip nito.

Isa sa basehan para sa diskwalipikasyon ay kung ang isang kandidato ay napatunayang nagkasala nang walang bahid alinlangan ng korte para sa isang kasong may karampatang parusang pagkakakulong ng 18 buwan pataas – bagay na hindi aniya pasok ang dating senador.

Maaari din naman batid nila pero sadyang hindi na iniintindi pa. Ang totoo, batid nilang suntok sa buwan at walang pupuntahan ang kanilang petisyon. Ang tanging adyenda nila’y maghasik ng maling impormasyon bilang bahagi ng taktikang mapanira.

Ang totoo, nangusap si James Jimenez na tumatayong tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) sa harap ng mga peryodista.

Aniya – “He doesn’t meet this criteria. Right now there is no clear case for disqualification.”

Wala pang 24 oras, kumambyo ang tagapagsalita!

Kung balakid ang sentensya ng korte sa kandidatura ni Marcos, bakit pinahintulutan ng Comelec na muling tumakbo ang mga tulad ni dating Pangulong Joseph Estrada na nanalo pa at naging alkalde ng Maynila? Kung tutuusin, siya ang pasok sa ‘di pwedeng tumakbo sa ano mang posisyon dahil siya’y nakulong ng higit pa sa 18buwan.

Si dating kongresista Romeo Jalosjos, pinahintulutan ding tumakbo sa party-list elections kung saan niya umano kinakatawan ang mga bilanggo sa likod ng kanyang grupong Kakusa.

Wala rin nagpetisyon nang tumakbo si Marcos sa ibang posisyon sa mga nakalipas na panahon.

Ano mang pagkukulang ng Comelec ng mga nakaraang panahon, sana naman maituwid na ngayon. Ang mga petisyong walang basehan, dapat agad desisyunan para hindi na magamit pa sa pagpapakalat ng maling impormasyong sadyang ginawa sa hangaring ikundisyon ang isipan ng mga botanteng Pilipino.