Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : DI UUBRA BAND-AID SA USAPIN NG OFWs – BONGBONG

News & Interviews
29 October 2021

By Saksi Ngayon

NANINDIGAN si dating Senador “Bongbong” Marcos na hindi kailanman sasapat ang mga “band-aid solutions” sa problemang kinasasadlakan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Aniya, higit na kailangan ang isang long term solution na bunga ng isang masusing pag-aaral at angkop na planong magbibigay katiyakan at gumagarantiya sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.

Nitong lamang nakaraang Martes, ipinrisinta ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) International Affairs Committee na pinamumunuan nila Chairperson Ms. Saidah Tabao Pukunum sa pamamagitan ni President Jeremy Henry Amar at Secretary-General Atty. Henry Capela ang Strategic Plan Vision 2028 for OFW kay PFP Secretary-General Tom Lantion at PFP General Counsel Atty. George Briones sa isang pagpupulong sa kanilang tanggapan sa Maynila.

Target ng nasabing framework plan ang mapagbuti ang kalagayan ng mga OFWs at maging ang mga migranteng Pinoy sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Binuo ang komite upang isulong at kilalanin ang kontribusyon ng mga OFWs bilang haligi ng lipunan kasabay ng pagpapatupad ng mga programa ayon sa paninindigan ng pambato ng PFP sa 2022 presidential election.

Nabatid ng komite na karamihan sa mga OFWs ay kadalasang nagtatrabaho sa mga lugar na hindi katanggap-tanggap ang kondisyon, dumaranas ng pagkabalisa dahil sa matagal na pagkawalay sa kanilang pamilya at napipilitang isakripisyo ang oras na dapat ay para sa kanilang pamilya upang kumita.

Layon din ng komite ang ipatupad ang isang policy framework na may tatlong bahagi at inaasahang bubuo at magpapaigting ng mga programang magagamit sa loob ng anim na taon.

Nakapaloob sa framework na ito ang pagtalaga ng isang task force na magsasagawa ng mga pag-aaral upang makabuo ng mga policy recommendation sa gobyerno. Ito rin ay inaasahang susuri sa mga kasalukuyang polisiya upang mapahusay ang serbisyo sa mga OFWs.

Kabilang naman sa mga sandigan ng nasabing programa ang skills retraining katuwang ang TESDA, comprehensive benefits and retirement plan para sa mga OFWs, pagtatayo ng isang OFW hospital, health insurance, scholarship grants para sa mga OFWs, legal, mental at psychological support services, pagbuo ng mga OFW cooperatives,  pagtatayo ng OFW Bank at pagpapalakas sa mga community-based fellowship programs.

Pinuri ni PFP General Counsel Atty. George Briones ang binuong komprehensibong policy framework ng komite at sinabing naaayon ito sa mapagkaisang pamumuno na isinusulong ni Marcos.

Pinaalala rin niya sa mga miyembro ng komite na ang PFP ay maipagmamalaking partido ng pangkaraniwang tao. Dagdag pa niya ang PFP ang magdadala kay Marcos sa tagumpay sa paparating na halalan sa 2022.

“The PFP is a party of the common man. A party for the poor. A party of the grassroots. This is the party that will carry Senator Ferdinand Marcos Jr. to victory,” sambit pa ni Briones.

DI PWEDE ANG PWEDE NA