Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : DATA PRIVACY PROTEKTADO SA BBM-SARA UNITEAM

News & Interviews
4 December 2021

By Saksi Ngayon

Nais ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice Presidential bet Mayor Inday Sara Duterte na magkaroon ng higit pang kapangyarihan ang National Privacy Commission (NPC) upang mas maprotektahan ang impormasyon ng bawat Pilipino laban sa data breaching.

Ayon sa nangungunang presidential at vice presidential tandem, nito lang nakaraan ay marami ang nabiktima ng mga naglipanang fake text messages galing sa mga indibidwal na gumagamit ng internet para makapanloko.

“Sumasabay sa nagbabagong panahon ang mga mapagsamantala. Dati ay mga fake raffles, fake loads, at fake deliveries na basta na lang dumadating kahit wala kang inorder. Ngayon pati pekeng trabaho. Dapat ay makasabay din ang sistema ng bansa at magkaroon ng kakayahan na maagapan ang mga ganitong sitwasiyon,” pahayag ng BBM-Sara UniTeam.

Binigyang diin nila na hindi ito ang unang pagkakataon na nakompromiso ang pribadong impormasyon ng mga Pilipino. Bago pa man magpandemiya ay milyon na ang nabiktima sa mga data breach at hacking.

Anila, ang dagdag na kapangyarihan na maibibigay sa NPC ay magbibigay-daan upang matukoy at maparusahan ang mga institusyon o grupo na nagkaroon ng pagkukulang sa pagprotekta sa kanilang sistema.

Ayon pa sa dalawa, ang personal na datos ng bawat Pilipino ay hindi lang ginagamit para sa komunikasiyon, kundi pati din sa digital banking, pagrehistro sa iba’t-ibang government portals at pati sa kanilang mga online transactions.

Dagdag nila, dapat ding mapahusay ang kaalaman at kakayahan ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga bagong teknolohiya para mapigilan ang ganitong klase ng banta.

Sa kasalukuyan, ay naaprubahan na sa Mababang Kapulungan ang substitute bill na mag-aamyenda sa Data Privacy Act of 2012 para mas mapalakas pa ito at makasabay sa digital transformation ng bansa.

Sa isinusulong na batas, maaari nang magpataw ng administrative penalties at multa ang NPC. Magkakaroon din ito ng otoridad na mag-issue ng summon o subpoena sa sinumang kailangan nila para sa kanilang imbestigasiyon upang mabilis nilang maresolba ang mga kaso na kanilang natatanggap.

“Halos kasabayan lang natin ang Singapore pagdating sa data privacy protection kaya mahalaga ay mas mapaganda pa natin ang ating sistema para mapakinabangan ng susunod pang henerasiyon,” dagdag pa ng BBM-Sara UniTeam.