Saksi Ngayon : Bukod sa Solid North BBM MAY SOLID SOUTH NA RIN

News & Interviews
20 September 2021

By Saksi Ngayon

PORMAL nang inendorso ng mga kasapi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang kandidatura ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa 2022 presidential elections.

Kasabay ng ginanap na PFP National Convention sa bayan ng Tupi sa lalawigan ng North Cotabato, nagpaabot naman ng suporta ang mga prominenteng politikong nabibilang sa tinaguriang “Solid South,” na kumakatawan sa mga rehiyon, lalawigan, distrito, lungsod, munisipalidad at barangay sa Mindanao.

Sa isang resolusyong pirmado ng mga kasapi ng PFP, pinagtibay ng kasapian ang pagsusulong kay Marcos bilang pambato ng Solid South sa papalapit na halalang gaganapin naman sa Mayo 2022.

Ayon kay Atty. George Briones na tumatayong PFP General Counsel, ang nasabing resolusyon ay binalangkas at inaprubahan batay na rin sa kahilingan ng mayoryang kasapi ng partido.

“Ipanalangin po natin si Senator Bongbong Marcos para makagawa siya ng tamang desisyon dahil ‘di po madaling tumakbo na presidente ng Pilipinas lalo na sa panahon ngayon,” ani Briones.

Pag-amin ni Briones, hindi niya personal na kilala ang dating senador at sa kumbensyon lamang niya nakaharap sa unang pagkakataon. Paglalarawan pa niya, si Marcos ay may angking talino, respeto sa kapwa tao, hindi palamura at mabiro – mga katangian anilang hanap ng PFP sa kanilang hinahanap na Pangulo.

“Lahat kami may notebook, may fountain pen, sumusulat po kami. Siya (Bongbong) din meron, pinag-aaralan niya ang Partido Federal ng Pilipinas,” saad pa ni Briones.

Ipinagmalaki rin ni Briones ang PFP na bagamat tatlong taon pa lamang, angat sila kaysa sa ibang partido dahil wala ni isa aniya sa 1.5 milyong kasapi ang pabigat o yaong may bahid katiwalian.

Taong 2018 nang ganap na kilalanin ng Commission on Elections (Comelec) ang PFP bilang isang national political party. Sa 1.5 milyong kasapi ng bagitong partido, 300 sa kanilang mga inilaban bilang kandidato para sa iba’t ibang posisyon sa iba’t ibang panig ng Mindanao ay nagsipagwagi noong 2019 midterm elections.

Aniya, patunay ito na mayroong Solid South na kinabibilangan hindi lamang ng mga politiko kundi maging ng mga kabataan, propesyonal at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Bahagi ng plataporma ng PFP ay ang pagsusulong ng isang bansang malayo sa droga, rebelyon, katiwalian at gutom.

Kaugnay nito, nanatiling bakante ang pwesto ng chairmanship ng partido dahil inilalaan anila ito kay Marcos sa sandaling manumpa na ito bilang miyembro.

“Kung mag-decide si Senator Bongbong Marcos na sumapi sa Partido Federal ng Pilipinas and he will take his oath as a member of PFP, tatawag po tayo ng another national convention bago po matapos ang buwan ng September where he will be nominated as the official candidate of the PFP for president,” dugtong pa ni Briones.