Saksi Ngayon : Bukod sa pagiging kwalipikado GABINETE NI BBM PUPUNUIN NG MGA MAKABAYAN

By Saksi Ngayon

NASA proseso na nang paghahanap ang kampo ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ng pinakamagaling at pinaka-qualified na opisyal na hahawak ng iba’t ibang posisyon sa gabinete ng papasok na administrasyon.

Kasabay nito, iginiit ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Marcos, na ang pinaka-importanteng hinahanap nila sa isang aplikante ay ang pagmamahal nito sa bansa.

“Apart from being competent and qualified, of course yung sinasabi ko kahapon pa ay yung may pagmamahal sa bansa, yung kinikilala ang watawat ng Republika ng Pilipinas, yung rumerespeto sa Saligang Batas at hindi mananawagan ng pagpapabagsak ng gobyerno,” ayon kay Rodriguez sa press conference sa BBM headquarters sa Mandaluyong nitong Biyernes.

Kamakailan lamang ay inanunsyo na ni Marcos ang kanyang pagtatalaga sa kanyang running mate na si incoming Vice President Inday Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Agad naman itong tinanggap ni Duterte at nagpasalamat sa tiwalang ibinigay ni Marcos.
Nito ring Biyernes, inihayag naman ni Rodriguez ang nominasyon ni dating MMDA Chair Benjamin “Benhur” Abalos Jr., bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Si Rodriguez ang inatasang mamuno sa transition team para sa UniTeam kasama sina dating Davao del Norte Rep. Anton Lagdameo, dating Manila Rep. Naida Angping at South Cotabato Gov. Jun Tamayo.

“I would like to announce that Chairman Benhur Abalos has been nominated to the Department of Interior and Local Government and he has accepted the challenge,” ani Rodriguez.

Itinanggi naman ni Rodriguez ang kumakalat sa social media na mga pangalan ng ilang personalidad na itinalaga umano ni Marcos sa gabinete.

“We will give you updates from time to time as soon as there are names that I can announce for the other positions,” sinabi ni Rodriguez.

“We only have two names that we have announced so far, that is Vice President-elect Inday Sara Duterte, for the Department of Education and just now I’m announcing the nomination of Chairman Benhur Abalos to the Department of Interior and Local Government,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ni Rodriguez na lahat ng aplikante sa iba’t ibang posisyon ay siguradong dadaan sa matinding pagsusuri para makasiguro na naka-linya sila sa mga programa ng papasok na administrasyon ni Marcos.

Plantilla positions
sa gov’t pupunan

Nauna nang inihayag ng kampo ng susunod na administrasyon ang plano ni Marcos, Jr., na pag-ukulan ng atensyon ang mga manggagawa sa pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nari-regular sa trabaho kahit kwalipikado naman.

Ayon kay Marcos, ramdam niya ang kahirapan ng lahat ng ating mga kababayan at maraming mga manggagawa na matagal nang naglilingkod sa pamahalaan ang hanggang ngayon ay nananatiling contract of service o ‘di kaya naman ay job-order workers.

“May 180,000 unfilled plantillas kaya unahin natin iyong punuin at ayusin tapos silang mga JO workers sa national at LGUs ay sisikapin din nating ma-regular nang naaayon sa pondo ng pamahalaan at itinatadhana ng batas,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, maraming job order workers sa gobyerno lalo na iyong mga nasa local government units na sumasahod lamang ng mahigit P10,000 kada buwan.

Sobrang baba nito kumpara sa minimum wage ng nasa pribadong sektor na P537 kada araw o sumasahod ng P13,962.

“Iyong minimum wage nga natin mababa na, tapos mayroon pa palang mas mababa diyan at ang masaklap sila pa iyong nagsisilbi sa bayan mga manggagawa ng pamahalaan,” sabi pa ni Marcos.

“Hindi ko lubos maisip kung paano nakakaraos ang ating mga JO workers ngayon. Aayusin natin iyan para naman maging masaya rin ang kanilang pamilya,” dagdag pa nito.

Bukod dito, ang mga manggagawa na casual at job-order maliban sa mas mababa ang sweldo ay karaniwang hindi nakatatanggap ng mga benepisyo tulad ng Christmas bonus at 13th month pay na nakukuha ng mga regular o permanenteng empleyado.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na hindi lamang sa pribadong sektor may malaking problema sa kontraktwalisasyon, kundi matagal na ring problema kahit sa pamahalaan dahil marami sa kanila ay mga job order o contract of service lamang.

Sa kasalukuyan, aabot sa 600,000 hanggang 700,000 job order workers ang nasa gobyerno.

Nasa 180,000 naman ang ipinalalagay na nasa ‘unfilled plantilla positions.’

Isa sa dahilan kaya hindi ma-regular ang ilang JO worker ay dahil sa kakulangan ng kwalipikasyon, partikular na ang eligibility mula sa Civil Service Commission (CSC).

Kung si Marcos ang tatanungin, nais nitong magpasa ng batas para mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na consistent na nakakakuha ng ‘outstanding performance ratings’ sa loob ng tatlong taon, para ma-promote at maging regular.

“Kung maganda naman ang kanilang rekord sa trabaho at consistent ang outstanding performance ratings, baka puwede na silang gawing regular kahit walang kaukulang civil service eligibility,” ani Marcos.

“Hindi tama na naninilbihan ang empleyado na contractual, job order o moa (memorandum of agreement) workers sa mahabang panahon na walang employer-employee relationship. Masakit din para sa kanila dahil wala man lang silang natatanggap na benepisyo kaya dapat ibigay natin ang nararapat, lalo na ang kanilang dignidad,” sabi pa ni Marcos.

Idinagdag pa niya na ang mga government workers ang frontliners ng pamahalaan – may pandemya man o wala kaya sakaling manalo siya sa darating na May 9 elections, pipilitin niyang ma-regular sa trabaho ang daang libong bilang na JO workers ng pamahalaan.