Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : BONGBONG MAGKAKASA NG PLANO PARA SA MGA NAKATIRA MALAPIT SA TAAL VOLCANO

News & Interviews
13 November 2021

By Saksi Ngayon

TINITINGNAN ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang paglikha ng isang long-term plan para ma-protektahan ang mga residente na naninirahan malapit sa bulkang Taal.

Nasa Batangas ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer para makipagpulong sa mga lokal na opisyal at taga-suporta na nag-organisa ng serye ng aktibidad para kay Marcos.

Natanong naman si Marcos ng mga lokal na mamamahayag kung ano ang dapat gawin ng pamahalaan sakaling muling mag-alburuto ang naturang bulkan.

Agad namang tumugon si Marcos na dapat ay magbuo ang gobyerno ng “long-term action plan” para maiwasan ang matinding pinsala ng bulkan.

“Bantayan natin nang mabuti ang aktibidad ng bulkan. At habang naghihintay ay magplano na tayo,” ayon kay Marcos sa panayam sa isang local radio station.

Ipinaliwanag ni Marcos na pinagbatayan niya ang mga ginawang plano at paghahanda ng probinsya ng Leyte matapos nilang maranasan ang typhoon Yolanda noong 2013 kung saan mahigit 6,000 katao ang nasawi.

“Galing lang ako sa selebrasyon ng Yolanda, nakita ko na pinaghandaan na nila yung parating ulit, kung sakaling magka-bagyo ulit. Dapat siguro yung mga disenyo o design ng bahay, dapat siguro panahon na para pag-isipan natin kung paano yung may mitigation kung sakaling pumutok ulit ay hindi na mawasak, kahit dadalhin natin sila sa evacuation center,” ani Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na kailangan ang long-term solution tulad nang pagpapatibay ng mga kabahayan at iba pang ari-arian upang maiwasan ang matinding pinsala kung sakaling sasabog muli ang bulkan.

“Yun talaga ang dapat (long-term solution), kasi puputok at puputok naman ulit ang bulkan e. Andyan lang yang bulkan,” giit pa ni Marcos.

Dumalo rin si Marcos sa Unifying BBM cup shootfest sa isang firing range sa Lipa City. Nakipagpulong din siya sa mga alkalde at opisyal ng Batangas at Quezon province kasabay na rin ang mass oath-taking ng mga bagong myembro at kandidato ng PFP. Dumalo rin siya sa caravan ng kanyang mga supporters na dinaluhan ng libu-libong Batangueño.

Namahagi rin si Marcos ng 1,400 pares ng tsinelas; 20 kahon ng kape; 20 kahon ng corned beef at 20 kahon ng meatloaf para sa mga preso ng Batangas Provincial Jail.

“Ang katotohanan nagulat ako dahil hindi ko inaasahan na ganito karami ang sasalubong sa akin. Masyado silang organized. Nakakataba ng puso na makita na andyan ang mga supporter natin na nagpapahayag ng kanilang suporta at nagpapakita ng tiwala sa ating mensahe at adbokasiya,” ani Marcos.

Si Marcos ay itinuturing ng karamihan na unifying leader at magdadala ng pag-unlad at katatagan ng ekonomiya sa bansa. Sa kabila ng sunod-sunod na atake kay Marcos ng ilang kritiko, nananatili siyang mapagkumbaba.

Sa pinakahuling Presidential survey, nanatiling nangunguna si Marcos sa puso ng tao kasama si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

“Ang habol ko para sa ating bansa ay tayo ay magkaisa, tayo ay magtulungan. Dahil sa lahat ng krisis na kinaharap ng Pilipinas, tayo’y nakaraos dahil tayo ay nagtulungan, tayo nagmahalan at tayo’y nagkaisa,” dagdag pa ni Marcos.