Saksi Ngayon : Bigwigs sa politics nagkakaisa para kay Bongbong ‘BEST BET’ BITBIT NG FEDERAL

News & Interviews
27 September 2021

By Saksi Ngayon

(JOEL O. AMONGO/BERNARD TAGUINOD)

PATULOY na nadaragdagan ang malalaking personalidad sa larangan ng pulitika – lokal man o nasyunal – na sumasapi sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) habang papalapit ang pagsisimula ng paghahain ng certificates of candidacy ng mga tatakbo sa 2022 elections.

Nauna nang inendorso ng PFP si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na kanilang pambato sa pagka-pangulo at inaasahan ding anomang araw ay sasapi ito sa partido.

Sa national convention nitong nakalipas na Sept. 18 ay napagkasunduan na ipagpaliban ang paghalal ng chairman ng PFP dahil inilalaan nila ito para kay Bongbong.

Para sa PFP, si Bongbong o BBM ang ‘Best Bet Mo’ para sa pagka-pangulo sa 2022.

“Nang malaman ng mga kakandidato na may espasyo si BBM sa Federal bilang chairman at panlaban ng partido sa pagka-pangulo ay marami ang gustong sumama kaya dumagsa ang nagparehistro,” pahayag ni PFP’s secretary general Tom Lantion.

Sa ngayon aniya ay nagsimula nang manumpa ang mga bago nilang miyembro na itinuturing na bigwigs sa pulitika.

“Our party secretariat is very busy now with the membership documentation of big shots from the so-called Solid North down to their alliances in Metro Manila, Visayan islands and Mindanao,” ani Lantion.

Kabilang sa mga nakapanumpa na si former 3rd District of Quezon City Rep. Mat Defensor na pinangasiwaan ni Lantion via Zoom sa Annabel’s Restaurant, Tomas Morato, QC.

Nakapanumpa na rin ang iba pang local executives mula sa Valenzuela City, Quezon City, Cavite, Batangas, Batanes, Masbate at Zamboanga kabilang si Balud (Masbate) Mayor Marilie Lim and her full slate – Vice Mayor Ruben Jude council members Melissa Aninang, Real Bajande, Roque Dela Cruz, Salvador Delfin, Jr., Geilord Macuha, Jinky Nuevo, Serafin Sese, Jr., at Paulino Tacurda.

Naging saksi sa aktibidad sina Cong. Dante Marcoleta, AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Atty. Vic Rodriguez, spokesperson ni Bongbong Marcos at itinalagang executive vice president ng partido.

Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang PFP sa kandidatura ni Rep. Mike Defensor, na tatakbong alkalde ng Quezon City sa 2022.

Nauna nang sinabi ni Atty. Rodriguez na nagpapasalamat ang dating senador sa bumubuhos na suporta mula sa major political parties, lokal chieftains at concerned citizen.

“Naiintindihan natin that there is so much build up and anticipation on his decision and announcement to run for President for the next year elections. Hindi madali ang hinihingi ng maraming tao na magdesisyon na si Bongbong na tumakbo bilang pangulo,” saad ni Rodriguez.

“Pinag-iisipang mabuti ni Bongbong ang lahat. Hindi madali ang magdesisyon. Ang usapin kasi dito ay pandemic government and post-pandemic situation. His decision will come soon. He just needed to consult some significant individuals and groups,” patiyak ni Rodriguez.

PFP binuhay
at pinatibay

Samantala, ang Partido Federal ng Pilipinas na hango sa mga federalist na sina Pedro Paterno at Trinidad Pardo de Tavera ay mas pinatibay bilang preparasyon sa national at local election sa susunod na taon.

Bago ang deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa asembliya ng partido na unang binigyan ng akreditasyon ng Comelec noong Oktubre 5, 2018, idinaos nila ang national convention ng partido nito lamang September 18.

Sa pamamagitan ng hybrid virtual convention ay naghalal ang partido ng mga bagong opisyal subalit marami rin ang nananatili sa kanilang puwesto.

Kabilang sa mga inihalal na bagong opisyal ng PFP si Atty. Rodriguez na siya ring tatayong general campaign manager sa 2022 national at local election.

Ang PFP ay mayroong halos 1.5 milyong miyembro sa buong bansa at nakapagpanalo ng 350 kandidato noong 2019 election.

“The PFP is proud of its integrity… the PFP has no excess baggage to carry,” ani Atty. George Briones na tumatayong PFP General Counsel.

“PFP has strong youth organizations nationwide that collaborate with the party to lift its dream “for a society that is free of illegal drugs, free of corruption, free of crime, free of insurgency and free of poverty,” dagdag pa ni Briones.