Saksi Ngayon : BBM-SARA UNITEAM SUPPORTERS DARAMI PA SA SIMULA NG LOCAL CAMPAIGN

26 March 2022

By Joel O. Amongo | Saksi Ngayon

HINDI na mapipigilan ang lalo pang pagtaas ng suporta ng taumbayan kina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Mayor Inday Sara Duterte dahil sa kaliwa’t kanang suporta sa kanila ng iba’t ibang partido at organisasyon.

Naniniwala si Partido Federal ng Pilipinas ­General Counsel Atty. George ­Briones, tataas pa ang bilang ng mga susuporta kina Bongbong Marcos at Mayor Inday Sara Duterte sa darating na eleksyon 2022 dahil sa pag-endorso sa kanila ng PDP-Laban.

Ayon kay Atty. Briones, malaking tulong ang pormal na endorso mula sa partido dahil ito ang national political party ni Presidente ­Rodrigo Roa Duterte.

Lalo pang natiyak ang panalo ng BBM-Sara Uni­Team matapos na magkaroon ng alyansa ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at ang Reform Party.

Ilang araw lang matapos ang deklarasyon ng PDP-Laban ng administrasyon para suportahan ang kandidatura ng dalawa, nilagdaan naman nitong Miyerkoles ang alyansa ng Partido ­Federal ng Pilipinas (PFP) at Reform Party (RP).

Sa isang simpleng ­seremonya, pinangunahan nina PFP Secretary-General Thompson Lantion at Reform Party President James Layug ang pagpirma sa isang kasunduan upang maging kaalyado sa pagsusulong ng UnitTeam BBM-Sara.

Sinabi ni Layug na sa lahat ng mga kandidato ­ngayon sa pampanguluhan, ang BBM-Sara UniTeam lamang ang nakikitaan nila ng sinserong pagtugon sa ‘continuity, sustainability & predictability’ sa matatagumpay na mga programa ng Duterte administration.

Ilan sa mga ito ay ang Build, Build, Build program, digital infrastructure, war against drugs, criminality, and corruption.

Para kay Lantion, ­ma­laking bagay ang ­pakiki­pag-alyansa ng Reform Party dahil tulad ng bilin ni Marcos, pagkakaisa ang susi para sa pag-unlad ng bansa.

Aniya pa, hindi matatawaran ang tulong na ­maaaring dalhin ng Reform Party sa kandidatura nina Bongbong at Inday Sara sapagkat isa ito sa pinaka respetado at organisadong political group sa bansa.

“Sa pagsama sa atin ng Reform Party ay makatitiyak tayo na ang lahat ng kanilang adhikain ­pagdating sa ikabubuti ng bansa at ng ating mga mamamayan ay mas madali nating maisasakatuparan,” sabi ni Lantion.

Tiniyak din ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr., ang tagumpay ng BBM-Sara UniTeam.

Pormal nang ipinahayag ni Governor Ebdane ang kanyang pag-endorso kay presidential frontrunner Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at kanyang running-mate na si Mayor Inday Sara Duterte kasabay ng pagdalaw nilang dalawa sa lalawigan ka­makailan.

Kaugnay nito, tiniyak din ni Ebdane, na matagal nang nagsisilbing gobernador ng lalawigan, tiyak na ang tagumpay ng UniTeam BBM-Sara sa kanilang lugar, matapos niyang itaas ang kanilang mga kamay sa grand rally na ginanap sa Sports Complex ng Iba, Zambales.

“Mga kababayan, dumating na po ang punto na makikita natin ang ating pinapangarap na maging pangulo ng ating bansang Pilipinas. Nasa kanya na po ang lahat ng hinahanap natin sa isang pangulo,” sinabi ni Ebdane.

Kasabay naman nito ay nagkakaisang sumagot ang mga tao at humiyaw sila na “si BBM lang ang sagot”.

“Nandito po ako ­ngayon na lubos na natutuwa sa pagkakaroon ng ­pagkakataon na maipakilala po ang ating magiging ­Pangulo ng bansang Pilipinas, walang iba po kundi ang ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” dagdag pa niya.

Umapaw rin ang suporta ng mga taga-Cavite sa BBM-Sara UniTeam na umabot ng 100k ang ­dumalo sa kanilang isinagawang campaign rally kamakailan.

Pumunta sa General Trias Oval ang BBM-Sara UniTeam na kung saan dinumog ng mga tagasuporta mula sa Cavite.

“Ako ay nagulat. Mula pagpasok ko dito hindi ko akalain na ganito tayo karami,” sabi ni Marcos.

Nakikita naman ni ­Quezon Governor Danilo Suarez na makakakuha ng 400k votes mula sa kanilang mga kababayan ang BBM-Sara UniTeam.

Ito ay matapos na masaksihan ni Gov. Suarez ang isinagawang UniTeam mini rally na dinaluhan ng 12,000 katao sa loob at labas ng Tiaong Convention Center kamakailan.

“I can see his sincerity. He wants to do something, maybe go back to the glory of his father,” ani Suarez.

“Siguro mga 300,000 to 400,000 kayang ilamang ni BBM, Bongbong-Sara. Malaki, malaki. I assure you this will be an ­unprecedented election,” dagdag pa ni Suarez.

May panalo na, ang BBM-Sara UniTeam! Tapos na ang eleksyon 2022.

oOo