Saksi Ngayon : BBM RUNAWAY WINNER SA OFWs SA HK, QATAR

11 April 2022

By Saksi Ngayon

SI presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay nakakuha ng 85% at 83% boto, ayon sa pagkakasunod, sa pagsisimula ng overseas absentee voting noong Linggo (April 10), base sa exit polls na isinagawa sa Hongkong at Qatar.

Ang Hongkong-based OFW na si Bryan Calagui, ay nagsagawa ng unofficial tally mula 8 ng umaga hanggang 6 ng hapon base sa nakuhang data mula sa tinatayang 5,000 voters.

Sa nasabing data ay kitang-kita ang pangingibabaw ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer sa 3,357 votes.

Malayong nakasunod si Leni Robredo na may 65 votes, ikatlo si Isko Domagoso na may 18 votes, Manny Pacquiao, 15 votes. Wala namang naitala pang boto para kay Ping Lacson nang huminto sa pagbilang si Calagui kinagabihan.

Samantala, ang OFW Qatar-based na si Annaliza Segura, ay nagsagawa rin ng katulad na exit poll kung saan 83% ng boto naman ang nakuha ni Marcos.

Inihayag ni Segura ang resulta ng exit polls sa isang Facebook post, Linggo ng gabi.

Sa data ni Segura, nakuha ni Marcos ang 538 sa 566 na boto.

Si Robredo naman ang nakakuha ng 22 votes habang pinaghati-hatian ng iba pa nilang katunggali ang nalalabing anim na boto.

Dinagsa ang mga voting center sa Hongkong sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 surge doon.

Inabisuhan naman ni Consul General Raly Tejada na bumoto ang mga OFW tuwing weekdays dahil mas kakaunti ang mga tao sa nabanggit na araw.

Hinimok din ni Tejada ang mga employer na payagan ang kanilang Filipino workers na lumiban sa trabaho upang sila ay makaboto.

Tinatayang nasa 93,000 OFWs sa Hongkong ang rehistradong botante.

Kaugnay nito, planong dagdagan ng Commission on Elections (Comelec) ang polling precinct sa Hongkong sa harap ng pagdagsa ng OFWs na lumalahok sa overseas absentee voting.

Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, mula sa 5 ay gagawin nilang 10 ang voting precincts doon upang maiwasan ang siksikan ng mga bumobotong Pinoy workers.

Ito ay matapos na magpatupad ng cut-off ang Hong Kong Police makaraang makita na hindi na nasusunod ang social distancing protocol sa polling precinct.

Maging ang bilang ng vote counting machines sa Hongkong ay dadagdagan ng Comelec.