Join the campaign (Learn More)

Saksi Ngayon : BBM NAGPASALAMAT SA TAOS-PUSONG TULONG SA MGA NASALANTA NG BAGONG ODETTE

News & Interviews
17 December 2021

By Saksi Ngayon

NAGPASALAMAT si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa taos-puso at maagap na pagtugon ng mga donors at volunteers sa kanyang ikinasang relief mission para sa mga nasalanta ng super typhoon ‘Odette’.

“Nakatutuwang isipin na kahit may pandemya buhay na buhay pa rin sa ating mga Pilipino ang Bayanihan. Nagpapasalamat ako sa mga donors at volunteers dahil sa taos-puso at maagap na pagtulong. Naging mabilis ang ating responde dahil sa inyo. Maraming salamat po,” sabi ni Marcos Jr.

Ayon pa kay Marcos Jr., bago pa man nag-landfall ang nasabing super typhoon sa bansa ay abala na ang kanyang tanggapan sa pag-coordinate upang ma-pre-position ang mga relief goods na ipamamahagi sa mga komunidad na maaaring maapektuhan.

“Mula pa lang nang makita namin sa weather bulletin ng PAGASA ang sakop at lakas ng bagyong ‘Odette’ ay tumutok na kami. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kaibigan at mga tagasuporta na walang sawang tumutulong, kayo ang mga tunay na bayani sa panahong gaya nito,” dagdag pa ni Marcos Jr.

Tuloy-tuloy ang pagkakamada sa mga relief packs ng volunteers ng UniTeam na ilang araw nang nagre-repack sa mga warehouse. Mahigit isandaang volunteers ang ngayon ay abala sa gawaing ito at inaasahan pang madaragdagan sa linggong ito ang kanilang bilang.

Ayon naman sa pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, ang chief-of-staff at tagapagsalita ng dating senador, hindi magandang gawain para sa isang tumutulong ang umepal o ‘magpa-pogi’ sa panahon ng kalamidad.

“Hindi baleng walang umeepal na lider-lideran, basta may dumarating na tulong. Mas importante na may nararamdamang tulong ang mga tao kaysa sa ‘nagpapakitang-tulong’ lang,” sabi ni Atty. Rodriguez.

Umaarangkada na rin ang mga convoy ng relief trucks na magpapaabot ng tulong sa mga sumusunod na lugar; Tacloban City, Surigao, Cagayan De Oro, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Samar, Leyte, Masbate, Bohol,Cebu Province, at Cebu City.