Saksi Ngayon : BBM NAGALAK SA MAINIT NA PAGSALUBONG NG MGA ZAMBOANGUEÑO

30 March 2022

By Saksi Ngayon

Ikinatuwa ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na sa wakas ay nakarating na ang mensahe ng pagkakaisa sa lalawigan ng Zamboanga matapos ang mainit na pagsalubong na natanggap ng UniTeam mula sa libo-libong mga residente nitong Martes.

Labis ang kanyang galak ng libo-libong Zamboangueño ang nag-abang at sumama sa kanyang motorcade mula sa Zamboanga Airport hanggang University of Zamboanga Summit Center na inabot ng halos tatlong oras.

“Akala po namin, mabilis lang ang magiging lakad namin papunta sa aming rally venue. Maraming pong salamat na kayo po ay nag-abala para lumabas at sumalubong po sa amin,” ayon kay Marcos na pansamantalang tumigil sa kalagitnaan ng motorcade para pasalamatan ang kanyang mga taga-suporta.

“Sana po ay maipakita natin hindi lang dito sa Zamboanga kundi pati sa buong Pilipinas. Dito sa Zamboanga Peninsula buong buo ang suporta sa UniTeam at sa adhikain ng pagkakaisa,” dagdag pa niya.

Pagdating sa UZ Center Summit umaapaw ang mga Zamboangueño na sumalubong kay Marcos at sa mga UniTeam senators.

Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na hindi niya inaasahan ang bilang ng mga taong sumalubong at dumalo sa kanyang caravan at rally.

“Hindi namin ini-expect na ganito. It makes me very happy to see that the message of unity, yung aming laging mensahe na pagkakaisa (ay) mukha naman dahan-dahan nauunawaan talaga ng ating mga kababayan,” wika niya.

“Marami sa kanila naghintay ng matagal kaya’t nagpapasalamat ako sa kanilang lahat at ramdam na ramdam yung init ng salubing dito sa (Zamboanga) City,” dagdag pa niya.

Ayon kay Marcos, patuloy niyang ipapamalita ang adhikain ng buong UniTeam na pagtutulungan at pagkakaisa para sa sama-samang pabangon ng Pilipinas.