Saksi Ngayon : BBM LILINISIN ANG BI

14 March 2022

By Rudy Sim | Saksi Ngayon

NANINIWALA ang karamihan sa mga empleyado ng Bureau of Immigration na kung sakaling palarin sa darating na May 9 national and local elections si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay pipiliin nito ang nararapat na mamumuno sa ahensya na mayroong malasakit sa mga empleyado, sa bansa at hindi pansariling bulsa lamang.

Matatandaang sa kabila ng malalaking kontrobersya ng katiwalian na yumanig sa kasaysayan ng Bureau of Immigration sa pamumuno ni Commissioner Jaime Morente, ay naging matatag ito sa kanyang trono hanggang sa ilang buwan na lamang ay matatapos na ang termino ng kasalukuyang administrasyon.

Si Morente na dating naging Chief of Police ng Davao City ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagsimulang manungkulan sa BI noong May 31, 2016.

Hindi pa man nag-iinit ang tumbong nito sa kanyang trono, November 27, 2016 ay huling-huli sa CCTV ang pagtanggap ng dalawa nitong Deputy Commissioner na sina Atty. Al Argosino at Michael Robles ng P50M mula sa dating opisyal ng pulisya at middleman na si Wally Sombero kapalit ang pagpapalaya sa 1,316 Chinese nationals na illegal POGO workers na nahuli sa Fontana Resort sa Clark, Pampanga.

Nagkaroon ng Senate inquiry at giit nina Argosino, tinanggap nila ang pera bilang isang ebidensya laban kay Sombero ngunit hindi ito umubra sa Sandiganbayan at sila’y napatunayang nagkasala sa ilalim ng batas at hinatulang mabilanggo.

Hindi pa man nakababangon ang ahensya ay agad namang sumabog ang “Pastillas Scheme” sa panahon ng pandemic na kinasangkutan ng 44 immigration personnel at ito’y nagkaroon muli ng Senate inquiry. Hanggang sa mayroong lumabas na whistleblower sa katauhan ni Alex Chiong, isang immigration officer. Isiniwalat nito ang umano’y naging partisipasyon ng ilang opisyales at ang itinurong utak nito ay ang dating deputy commissioner na si Red Mariñas na itinanggi naman ang paratang at ngayon ay tumatakbo sa pagka-alkalde ng Muntinlupa.

Sumailalim sa 6 months preventive suspension ang 44 immigration personnel hanggang sa nakabalik sa kanilang trabaho habang dinidinig ang kanilang kaso sa korte.

Marami rito ang nadamay na walang kasalanan at ang tunay na nasa likod ng katiwalian ay pinaniniwalaang malaya. Kaya’t panawagan ng mga akusado na lumabas ang totoong may sala upang walang maging sacrificial lamb, dahil ang masira ang pangalan nang walang katotohanan para sa ilang nadamay sa kaso, ay hindi katanggap-tanggap.

Noong 1994 isa sa mga yumanig sa ahensya ay ang kaso ng “11 Indians” na nahaharap sa kasong drug trafficking na nahuli ng NBI sa isang laboratory sa Las Piñas sa paggawa ng “Madrax”, ang mga ito’y idineport kahit may nakabinbing pang kaso dahil sa isang mataas na opisyal noon ng pamahalaan ang nagpapirma kay dating Commissioner Zafiro Respicio ng Self Deportation Order sa mismong kanyang kaarawan, na hindi nito nahindian at sa huli ay tanging mga inosente ang nakasuhan at ang utak ay naging malaya.

Sa kabila nito ay tila paulit-ulit na lamang ang naging katiwalian sa BI- Jail sa Bicutan katulad ng tangkang pagpapatakas ng high profile inmates na mga dayuhan na nakakulong dito kapalit ang malaking halaga. Kamakailan lamang ay isang American fugitive ang muntik makatakas dahil sa kapabayaan ng isang tauhan dito ng BI na si alias “Tsokoleyt” at isang alias “Bembol” umano na isa lamang Job Order employee, na madalas magpalusot ng iligal na kontrabando sa loob ng piitan kagaya ng alak at pagpaparenta ng gadgets sa inmates na mahigpit na ipinagbabawal.

Panawagan ng BI employees kay Morente, bago man lang lumayas sa ahensya ay gumawa rin ng tama at panagutin ang sinumang tauhan nito na sangkot sa katiwalian.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)