Saksi Ngayon : BBM INENDORSO NG DUTERTE PDP-LABAN WING

22 March 2022

By Saksi Ngayon

(CHRISTIAN DALE)

INENDORSO ng PDP-Laban faction na suportado ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang presidential bid ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa nalalapit na halalan sa bansa.

Nakasaad sa PDP-Laban National Executive Committee resolution na nilagdaan ni Party president Energy Secretary Alfonso Cusi at iba pang party officials na “Senator Bongbong Marcos is the candidate whose platform is most aligned with the development program of President Rodrigo Roa Duterte…”

Nauna rito, in-adopt ng Cusi wing ang running-mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ni Pangulong Duterte bilang vice presidential bet nito sa May elections.
Anito, ang liderato at track record ng alkalde “make her most qualified for the position she is now aspiring for and therefore deserves the party’s support.”

At sa tanong kung bakit hindi sabay inendorso ng PDP-Laban sina Marcos at Mayor Sara ay sinabi ni Cusi na : “We are still yet to be convinced…It is not just a question of what you hear or what they say. What is important is what they do…It is the credibility of the person.”

Sina Marcos at Duterte-Carpio, tinawag na “UniTeam,” ang siyang nangunguna sa pre-election polls.

Samantala, pinasalamatan naman ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos ang PDP-Laban faction para sa kanilang pag-endorso.

“The trust placed in him inspires us beyond measure, for it signals that our message of national unity is gaining ground,” ayon kay Rodriguez.

“It is truly assuring but at the same time challenging us to be even more prepared,” dagdag na pahayag nito.