Saksi Ngayon : BARMM GOVERNORS ‘DI NA PAPAYAG MADAYA MULI SI BBM

13 April 2022

By Saksi Ngayon

HINDI na papayag ang mga governor na madaya pang muli si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa darating na halalan.

Ito ang sinabi ni Sultan Kudarat Gov. Suharto Mangudadatu, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat magpakampante ang lahat ng local officials na sumusuporta kay Marcos upang bantayan ang boto sa darating na May 9 hanggang bilangan.

“Iyong ARMM region, now as known as ‘BARMM,’ginagamit sa mga pandaraya sa mga lugar eh. Wala pang eleksyon doon na hindi nagkaroon ng dayaan,” ani Mangudadatu.

Sinabi nitong sa mga darating na araw ay marami pa ang local officials mula sa Mindanao ang lulutang upang magpahayag ng suporta sa kandidatura ni Marcos.

Malaking bagay aniya ang paglutang ng mga local officials dahil sa kanila lamang din nakikinig ang mga botante.

Aniya, si Sulu Gov. Abdusakur M. Tan ay lalantad na rin sa publiko upang opisyal na ipahayag ang buo at solidong suporta sa standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

“This is the right time na lumabas na siya at magbigay ng suporta dahil magkaibigan naman talaga sila ni BBM,” ani Mangudadatu.

Malaking bagay ang gagawing paglantad ng mga governor sa Mindanao dahil ang mga mayor na kapanalig nito ang magsusulong ng kandidatura ni Marcos, bukod pa sa matiyak na hindi ito madadaya sa nalalapit na halalan.

Si Gov. Tan ay may 15 ‘unopposed mayors,’ mula sa 19 na munisipalidad na sakop nito sa Sulu.

Nauna na ring naglabas ng suporta si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, samantalang bukod kay Tan ay inaasahan ding maglalabas ng kanyang pahayag ng suporta si Tawi-Tawi Gov. Ysmael Sali na malapit na kaalyado ng running-mate ni Marcos na si Inday Sara Duterte.

Ang maganda ngayon, ayon kay Mangudadatu, walang ineendorsong kandidato ang Pangulong Duterte kaya malaya ang lahat ng lokal na opisyal sa Mindanao na magbigay ng suporta sa mga kandidatong nais nilang tulungan.

“Noong 2016 talagang may pressure from (president) Noynoy Aquino at kahit mga PNP noon. Pero ngayon, hindi na sila makakaporma,” sabi pa nito.

Aabot sa 2.1 million ang registered voters sa BARMM at sinabi mismo ni Mangudadatu na kayang makakuha ng 70% votes si Marcos sa darating na halalan na isa ring ‘command votes.’

Nang tanungin hinggil isyu ng panggigipit ng mga teroristang Muslim, inaasahan ni Mangudadatu na mababawasan ang gagawing pananakot ng mga ito dahil kahit mga datu ngayon sa Mindanao ay suportado na rin ang kandidatura ni Marcos.

“Nakikinig at nirerespeto nila (Muslim extremists) ang mga datu natin,” sabi pa niya.

Unti-unti na rin aniya nila inaayos ang tamang mensahe hinggil sa maling pananaw ng ilang kapatid na Muslim laban sa Martial Law na idineklara ng ama ni BBM na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.

“Kasi ang messaging nga namin ngayon, kayo ngang taga-Manila meron kayong sariling Martial Law. Kami mayroon din, ngunit we opened our heart and accept BBM and we believe na sya lang ang pag-asa natin na mabago ang bansang Pilipinas,” sabi pa nito.

Si Gov. Mangudadatu, kasama ang asawang si Bai Mariam na tumatakbo ngayon bilang governor ng Maguindanao ay kabilang sa 15 governors na nakipagpulong kay Marcos noong nagdaang Linggo ng gabi sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City.

Sama-samang naghayag ng suporta kay Marcos sina Quirino Gov. Dax Cua, Tarlac Gov. Susan Yap, Isabela Gov. Rodito Albano, Romblon Gov. Jose Riano, Rizal Gov. Casimiro ‘Jun’ Ynares III, Misamis Occidental Gov. Philip Tan, Mindoro Occidental Gov. Eduardo Gadiano, Surigao del Sur Gov. Alexander Pimentel, Quezon Gov. Danilo Suarez, Batangas Gov. Hermilando Mandanas, Mountain Province Gov. Bonifacio Lacwasan at Bohol Gov. Art Yap.

Bago nito, 10 governors din ang ka-meeting ni Marcos noong nakalipas na April 2 sa BBM Headquarters na unang naglabas ng suporta sa kanyang kandidatura.

Si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson, na nasa BBM HQ nitong Linggo ay nagpahayag na 90% o 73 sa 81 gobernador sa bansa ang solido nang nakasuporta kay Marcos.

Ayon kay Singson, malaking bagay ang suportang ito ng mga governor at mga mayor dahil sila ang may lider sa kani-kanilang probinsiya na magsisilbing bantay rin para ngayong eleksyon at bilangan.

“Kaya double time tayo. Double time sa kampanya at double time rin sa pagbabantay para hindi tayo madaya,” ani Singson.