Saksi Ngayon : Banat ni Robredo ‘di papatulan BBM NANINDIGAN LABAN SA NEGATIBONG PANGANGAMPANYA

27 January 2022

By Saksi Ngayon

WALANG oras si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. para patulan ang mga negatibong pananalita at atake ni Vice President Leni Robredo sa panayam ni Boy Abunda.

Sa halip, mananatili ang kampo ng UniTeam na nakatuon sa positibong pangangampanya at hihimukin ang taumbayan na magkaisa.

“What presidential aspirant Bongbong Marcos is offering to the Filipino people is his unifying brand of leadership. He does not and will not engage in negative and hateful campaigning,” pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, Chief of Staff and Spokesperson ni Marcos, Jr.

Nauna rito, binanatan ni Robredo si Marcos Jr. bilang tugon sa tanong ni Abunda kung bakit siya ang dapat piliin ng mga botante.

“Number one, sinungaling. Pangalawa, in the difficult moments, hindi siya nagpapakita,” tugon ni Robredo patungkol kay Marcos Jr.

Nauna nang siniguro ng UniTeam nina BBM at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbong bise presidente, na bibigyan ng pantay na pagtrato sa ilalim ng

kanilang administrasyon sakaling palarin sila sa May 2022 polls, ang lahat maging ang mga nagmula sa kampo ng ‘kalaban’.

Partikular na tinukoy ang rehiyong Bicol na kabilang sa mga paglalaanan ng proyekto ng pamahalaan.

“Of course not, hindi naman ganun ang aming (paraan) ng pulitika eh, the elections and politics have their place pero pagka-dumating tayo sa serbisyo publiko, eh siguro ‘wag na natin tinitingnan kung saan nanggaling o kung tinulungan ka sa last elections,” paliwanag ni Marcos.

“Basta’t iniisip ko Pilipino iyan na nangangailangan ng tulong, tulungan mo ganun kasimple lang ‘yan,” dagdag pa ni Marcos nang tanungin siya sa isang panayam kung maiitsa-puwera ba ang rehiyon ng Bicol na kilalang balwarte ni Robredo, sakaling manalo sila.

“That’s the whole point of the UniTeam kaya unity nga eh, kahit hindi tayo nagkakasundo sa lahat (ng bagay), basta tulungan natin ang Pilipino, you do it your way kung anong inilsip mo, I’ll do it my way basta’t nagtutulungan tayo,” ani Marcos.

Nagkakaisang pamumuno ang itinutulak ng UniTeam at ito rin umano ang itutuloy ng tambalan kung sakaling manalo sa darating na halalan sa Mayo 2022.

“Pag dating ng halalan eh magbabatuhan naman tayo ng masasakit na salita pero after that tapos na, balikan natin ang serbisyo kaya naman tayo hinahalal ng tao hindi naman para makipaglaban at mamulitika,” dagdag niya.

“Tayo ay ibinoto para tulungan ang tao kaya iyan ang gagawin natin, iyan ang mandato natin,” pagpapatuloy niya.

Ayon pa kay Bongbong, balak niyang tularan ang ginawa ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., na binuhusan ng napakaraming proyekto at imprastraktura ang rehiyon para maging progresibo.