Saksi Ngayon : BAKUNADONG ‘UPOR’ HAYAAN MAGTRABAHO – BONGBONG

News & Interviews
17 August 2021

By Saksi Ngayon

NANAWAGAN sa pamahalaan si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na payagang lumabas ang mga bakunadong indibidwal kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng mahigpit na antas ng lockdown.

Para kay Marcos dapat payagang magtrabaho o makapag-ehersisyo ang mga taong nabakunahan na.

“As long as these vaccinated unauthorized persons outside of residence (UPOR) adhere strictly to minimum public health standards, I believe, somehow, they’re of big help in weathering the crisis caused by the coronavirus,” ayon sa dating senador.

Sa isang panayam sa telebisyon, ipinaliwanag ni Marcos na dapat bigyang pagkakataon ang mga bakunado para sa kanilang pagbabalik trabaho bagamat kailangan pa rin aniyang magtakda ng mga alituntunin upang tiyakin ang kanilang kaligtasan.

Kabilang sa kanyang panukala ay ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health protocols tulad ng wastong pagsusuot ng mga protective masks at shields, physical distancing at maging ang safe workplace ayon sa pamantayan ng mga eksperto sa kalusugan.

Aniya, hindi angkop na pagbawalang magtrabaho ang mga bakunado dahil hindi din naman kakayanin pa ng pamahalaan na magbigay ng sapat na ayuda sa mga apektado ng pandemya.

Dagdag pa niya, hindi makabubuti sa mga manggagawang Filipino, partikular yaong mga “no work, no pay” ang umiiral na pagbabawal sa kanilang paglabas para makapaghanapbuhay.

“I think basta nabakunahan na, pwede nang magtrabaho. Kahit nasa ECQ, basta nabakunahan, pwede pa din dahil safe na sila. Lalo na ngayon, magbabayad ng matrikulasyon ang mga magulang. Kailangan nilang magtrabaho para makabawi sila doon sa mga expenses. ECQ na nga, siyempre mas malaki ang kanilang ginagastos sa bahay, mas malaki ang binabayad sa kuryente, sa tubig. Mas malaki ang magiging cost nila kung nakakulong sila sa bahay nila. Ngayon, wala ka namang kapalit nun kung di mo payagang magtrabaho,” aniya.

Gayunpaman, nanawagan pa rin si Marcos sa mga manggagawa na maging mas maingat at tupdin ang minimum public health safety standards upang maiwasan mahawa sa nakamamatay na sakit. Bukod sa pagkain, hindi aniya dapat mag-uwi pa ito ng mikrobyo.

“Pero syempre, mag-iingat pa din sa ibang tao. May nagsasabi unfair daw ‘yun, bakit ito pwede, bakit ito hindi, bakit namimili? Pero kasi nandiyan ang peligro na magkasakit. Ang primary concern ay hindi kumalat ito. Kasi kung kumalat ito, magla-lockdown na naman, wala na talaga tayong usapan tungkol sa trabaho,” diin pa ni Marcos.

Malaking tulong din aniya sa pamahalaan ang pagbabalik trabaho ng mga bakunado sa pagpapanatili ng paggalaw ng ekonomiya.

“Kapag may trabaho ang tao, may pera sila sa bulsa. May pambayad sila ng renta, may pambili. ‘Yung pagbabayaran nila, magkaka-pera din. Kahit maliit na halaga, iikot pa din ang ekonomiya,” pagtatapos ni Marcos.

Hinimok din niya ang pamahalaan na pahintulutang lumabas ang mga bakunadong UPOR para sa kanilang mental o health reasons.

“May mga nabakunahan na na UPOR, baka pwede rin silang payagang mag-ehersisyo, mag-jogging sa labas ng kanilang tahanan para pampasigla sa kanilang katawan at pantanggal na rin ng pagka-umay sa loob ng bahay,” paliwanag ni Marcos.

“Boredom or the state of being weary and restless which normally being developed indoor is one source of anxiety and stress that causes mental and health infirmities… such hazard can be adversed by affording vaccinated UPOR some breathing space,” diin ni Marcos.