Saksi Ngayon : Bago bumalik sa face-to-face classes GURO DAPAT BAKUNADO – BONGBONG

News & Interviews
24 September 2021

By Saksi Ngayon

BAGAMAT magandang senyales ang desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na pahintulutan ang limitadong face-to-face classes sa mga lugar kung saan mababa o walang kaso ng nakamamatay na COVID-19, mas mainam pa rin tiyakin ng Department of Education (DepEd) na bakunado ang lahat ng mga guro bilang proteksyon hindi lamang sa kanila kundi maging sa mga mag-aaral.

Sa isang pahayag, nanawagan si dating senador Ferdinand “Bongbong Marcos” sa kagawaran na huwag magpadalus-dalos sa agarang pagsasagawa ng mga in-person classes hanggat di pa bakunado ang mga guro at maging ang mga non-teaching personnel na kasabay na papasok sa mga paaralan kasama ang mga estudyante para sa pilot testing ng face-to-face classes.

“I think there is a need to take a second look at that policy. Simply because in other countries, ang experiences nila was that there were risks involved in having non-vaccinated teachers and staff when they went back to face-to-face classes. Don’t get me wrong, I’m happy that at least we are trying to start face-to-face classes. It is actually good news because that is a very good sign that, somehow, we are slowly going back to normalcy,” ani Marcos.

Paliwanag ng dating senador, higit na dapat magsiguro ngayon dahil hindi aniya katulad noong nakaraang taon, mas matindi ang peligrong dala ng mabagsik na Delta variant.

Partikular niyang ikinababahala ang aniya’y mga ulat hinggil sa daan libong kabataang tinamaan na rin ng COVID-19.

Sa datos ng Department of Health (DOH), 38,825 kaso ang naitala sa hanay ng mga batang 4-anyos pababa. 40,286 kaso para naman sa mga batang edad 5 hanggang 9 na taong gulang, 54,847 kaso para sa edad 10 hanggang 14 anyos, at 82,434 kaso para sa edad 15 hanggang 19-anyos.

Mas dapat aniyang pag-ingatan ang mga bata lalo pa’t hindi naman kasali sa pagbabakuna ng gobyerno ang mga batang 18 pababang posibleng makasalamuha ng mga positibo sa loob ng mga pasilidad ng paaralan.

“Kung ‘yung findings noong isang taon hindi masyadong naapektuhan ang mga bata, hindi masyadong tinatamaan ang mga teenager, iba na itong Delta variant. Mas highly infectious itong variant na ito. Ngayon, marami nang mga bata, mga teenager at pati mga sanggol na nahawaan. Kaya ‘yung mga teachers, I believe they should be vaccinated because they are exposed to so many people and then they are exposed to children, students, young people na hindi pa nasisimulang bakunahan,” diin pa ni Marcos.

Muli din niyang binigyang diin ang kanyang unang panawagang isama ang mga guro at non-teaching personnel sa talaan ng prayoridad sa pagbabakuna ng gobyerno para sa bugso ng paparating na suplay ngayong darating na buwan ng Oktubre.

Una nang ibinida ni vaccine czar Carlito Galvez ang pagdating sa bansa ng 41.5 milyong doses ng bakuna sa nalalabing buwan ng Setyembre hanggang sa susunod na buwan.