Saksi Ngayon : Ayon sa DZRH survey, numero ni Marcos umangat BONGBONG FOR PRESIDENT HUMATAW

News & Interviews
10 August 2021

By Saksi Ngayon

PATULOY sa pangunguna sa iba’t ibang survey sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at dating senador Bongbong Marcos.

Sa survey ng DZRH radio station mula July 24-31 ngayong taon, nanguna si Duterte-Carpio na nakaiskor ng 25.4 kasunod si Marcos na nakakuha ng 17.7 percent bilang pinaka gusto ng mga respondent na susunod na lider ng bansa.

Sa nasabing survey, pumangatlo lang si Manila Mayor Isko Moreno na mayroong 11.2 percent kasunod si Senador Grace Poe na nakakuha ng 10.0 percent.

Layunin ng DESISYON 2022 segment ng DZRH na alamin ang pulso ng mamamayan kung sino ang kanilang mas pinapaborang presidential, vice presidential at senatorial candidates para sa susunod na halalan sa Mayo, 2022.

Sa isang one-on-one interview sa programang Tapatan ng batikang broadcast journalist na si Anthony Taberna noong Linggo, tiniyak ni Marcos na siya ay tatakbo sa nalalapit na halalan.

“Well, I have been ready for a long time already. Yes I am. Of course I am,” tugon ni Marcos nang direktang tanungin kung siya’y handa nang pamunuan ang bansa.

Gayunpaman, mainam pa rin aniyang pag-isipan ito nang mabuti dahil marami pang pwedeng maganap sa pulitika sa bansa.

“I am definitely running for something in May or by May of 2022. Right now, sa ngayon, siyempre tinitignan pa din natin although palapit na tayo sa filing. Ibang klase na kasi ang kampanya natin ngayon dahil nasa gitna ng Covid,” ani Marcos.

Maging sa nakalipas na OCTA Research survey, nasa magkasunod na pwesto sina Duterte-Carpio at Marcos kaya may ilang grupo ang nagbigay ng posibilidad na itulak ang tambalan ng mga ito.

“Lahat yan pwede. Wala tayong sinasabing hindi pwede. Wala din akong sinasabing eto ang gusto o eto ang ayaw ko. As far as I am concerned, I am open to any kind of team-up or partnership,” tugon ni Marcos kay Taberna nang matanong hinggil sa posibilidad ng tambalang Marcos-Duterte.