Saksi Ngayon : Aksyon ng DOF pinalagan PCIC PARA LANG SA MAGSASAKA -BONGBONG

News & Interviews
22 September 2021

By Saksi Ngayon

INALMAHAN ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang aniya’y di makatarungang paglilipat ng pangangasiwa ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa Department of Finance (DOF).

Ani Marcos, ang PCIC ay para lamang sa mga magsasaka at malayo sa mandato ng DOF, kaya naman hindi dapat panghimasukan ng isang ahensyang walang sapat na kaalaman sa agrikultura.

“Bakit kailangang itransfer sa DoF… eh, ang DA (Department of Agriculture) ang mas nakakaalam sa mga kaganapan sa agricultural sector?

Nasa DA ang lahat ng pertinent data tungkol sa naturang sektor,” giit ng dating senador.

Aniya, ang PCIC ay nilikha ng Kongreso upang magbigay agapay sa mga magsasaka at hindi ginawa para paghugutan ng pondo ng pamahalaan.

“‘Di ba ang PCIC was formed to provide insurance protection to farmers against losses arising from natural disasters, plant diseases, and pest infestation?,” sambit pa ni Marcos.

Una nang nagpahayag ng pagkabahala ang sektor ng mga magsasakang kinakatawan ng Federation of Free Farmers (FFF), kasabay ng pangambang mauwi sa pera-pera ang dapat sana’y malasakit at pagkalinga at suportang tugon sa mga pangangailangan ng mga magbubukid.

“Dapat ikonsidera rin ang agam-agam ng ating mga magsasaka dahil sila ang sektor na apektado dito sa paglipat na ito. Dapat ay kumonsulta sila,” paliwanag pa ng dating senador sabay diin sa kahalagahan ng konsultasyon sa mga apektadong magsasaka.

Dapat din aniyang rebisahin na ang Executive Order No. 148, na naglilipat ng PCIC sa DOF na itinalagang magbalangkas ng polisiya, programa at maging ang pangangasiwa sa pondo ng nasabing tanggapan ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng DOF na hindi na nila isasapribado ang PCIC. Gayunpaman, kinumpirma rin ng nasabing ahensya ang plano nilang isama ang pribadong sektor sa istruktura ng PCIC sa paglalayong palawakin ang saklaw na magsasaka at produktong agrikulturang mula sa paghahayupan.