Saksi Ngayon : ABALOS DAGDAG PUWERSA SA BBM-SARA UNITEAM

7 February 2022

By Saksi Ngayon

SA bisperas ng simula ng bakbakan para sa nalalapit na halalan sa Mayo, bumitiw sa pwesto si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos. Ang kanyang katwiran – sasamahan at tutulong na lamang sa kampanya ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na kandidato sa posisyon ng Pangulo.

Sa isang-pahinang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte, pinasalamatan ang punong ehekutibo sa tiwalang ibinigay para pamunuan ang MMDA.

“It has been an honor and privilege to serve the Filipino people as MMDA Chairman … Mr. President, I am ever thankful for your unwavering support, guidance and leadership. I pray that you and your family remain in good health,” pamamaalam ni Abalos sa Pangulo.

Pagtatapat ni Abalos sa kanyang liham ng pagbibitiw, sasamahan niya ang kaibigan nitong kandidato sa posisyon ng Pangulo.

“The campaign period is fast approaching and I will need to devote my time to Senator Bongbong Marcos’ campaign as his national campaign manager,” saad ni Abalos sa Pangulo.

Sa isang pulong balitaan, inihayag din ni Abalos ang kanyang pagbibitiw para tutukan ang kampanya ni Marcos bilang campaign manager, bagay na kinumpirma ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita ng pambato ng BBM-Sara UniTeam.

Yes, Benhur will be our campaign manager,” kumpirmasyon saad ni Rodriguez.

Giit ni Abalos, hindi na bago ang kanilang ugnayan ni Marcos. Katunayan aniya, siya rin ang nagsilbing campaign manager ng dating senador taong 2016 nang asintahin naman nito ang pwesto bilang bise-presidente.

“Kaibigan ko po si BBM. Napakabait na tao. Lahat po tayo may kanya-kanyang pananaw sa lahat ng bagay…Maging sa presidente, ok lang yan. It’s just an exercise. But at the end of every electoral exercise, we must unite as a country and as a people. Ako po ay BBM dahil naniniwala ako sa kanya, mabait po siya,” hirit ni Abalos sa mga mamamahayag.

“This will be my last press conference,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, tiniyak ng dating MMDA chairman na mananatiling nasa ayos ang operasyon ng ahensyang iiwanan.

Ngayong araw – Pebrero 8, 2022 ang pormal na pagsipa ng kampanya sa mga kandidato sa posisyon ng pangulo, pangalawang pangulo, senador at mga kongresista.

Kaugnay nito, higit pang lalakas ang kandidatura nina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte.

Para sa UniTeam, malaking tulong ang pagsama sa kanila ni Abalos bilang national campaign manager dahil sa talino, husay, galing at karanasan nito bilang local chief executive.

“His sensible and wise leadership experience would play a big factor in leading the UniTeam to its desired victory which consequently would be a win for the Filipino people,” anang UniTeam.

“Mabait, magaling at mapagpakumbaba. Iyan ang Bongbong Marcos na nakilala ko noon pa man at ang mga katangiang ito ay siyang kailangan natin para tuluyang mapagkaisa ang bansa,” dagdag pa ni Abalos.