Saksi Ngayon : 180K PLANTILLA POSITIONS SA GOV’T PUPUNAN NI BBM

29 April 2022

By Saksi Ngayon

MAGANDANG balita sa mga empleyado ng pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin permanente ang status.

Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na panahon na upang pag-ukulan naman ng atensyon ang mga manggagawa sa pamahalaan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nari-regular sa trabaho kahit kwalipikado naman.

Ayon kay Marcos, ramdam niya ang kahirapan ng lahat ng ating mga kababayan at maraming mga manggagawa na matagal nang naglilingkod sa pamahalaan ang hanggang ngayon ay nananatiling contract of service o ‘di kaya naman ay job-order workers.

“May 180,000 unfilled plantillas kaya unahin natin iyong punuin at ayusin tapos silang mga JO workers sa national at LGUs ay sisikapin din nating ma-regular nang naaayon sa pondo ng pamahalaan at itinatadhana ng batas,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, maraming job order workers sa gobyerno lalo na iyong mga nasa local government units na sumasahod lamang ng mahigit P10,000 kada buwan.

Sobrang baba nito kumpara sa minimum wage ng nasa pribadong sektor na P537 kada araw o sumasahod ng P13,962.

“Iyong minimum wage nga natin mababa na, tapos mayroon pa palang mas mababa diyan at ang masaklap sila pa iyong nagsisilbi sa bayan mga manggagawa ng pamahalaan,” sabi pa ni Marcos.

“Hindi ko lubos maisip kung paano nakakaraos ang ating mga JO workers ngayon. Aayusin natin iyan para naman maging masaya rin ang kanilang pamilya,” dagdag pa nito.

Bukod dito, ang mga manggagawa na casual at job-order maliban sa mas mababa ang sweldo ay karaniwang hindi nakatatanggap ng mga benepisyo tulad ng Christmas bonus at 13th month pay na nakukuha ng mga regular o permanenteng empleyado.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na hindi lamang sa pribadong sektor may malaking problema sa kontraktwalisasyon, kundi matagal na ring problema kahit sa pamahalaan dahil marami sa kanila ay mga job order o contract of service lamang.