Join the campaign (Learn More)

Remate Online : PUBLICUS: BONGBONG-BONG GO LAMANG

News & Interviews
23 October 2021

By Remate Online

MANILA, Philippines-Nanguna si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa mga tumatakbo sa pagka-Pangulo sa darating na 2022 election habang angat si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga kandidato sa pagka-bise presidente.

Sa pinakahuling presidential preference survey na inilabas ng PUBLiCUS Asia Inc. nitong Biyernes, nakuha ni Marcos ang 49.3% ng mga boto ng respondents.

Sumunod sa kanya si Leni Robredo na may 21.3%.

Pumangatlo lamang si Manila Mayor Isko Moreno na may 8.8% at sinundan naman nina Ping Lacson na nagtala ng 2.9% at ni Manny Pacquiao na nakakuha lamang ng 2.8%.

Milya-milya ang kalamangan ni Marcos sa iba pang presidential hopefuls at overwhelming ang naging pagkiling ng mga botante sa kanya lalo na sa mga importanteng voting areas.

Sa NCR, nakuha ni Marcos ang 40% na boto.

Samantala, sa North and Central Luzon, nakagugulantang na 55.7% ng mga boto ang kanyang nakuha.

Sa South Luzon, nagtala siya ng 38.2%.

Sa Visayas nakuha niya ang halos kalahati ng mga boto sa 44.7%.

Nakalululang 62.5% naman ang nakuha ni Marcos na voter preference sa Mindanao.

Ang Pahayag survey ay ang latest presidential preference survey na lumabas matapos magdeklara si Davao City Mayor Sara Duterte na hindi siya interesadong tumakbo bilang Presidente sa darating na halalan sa 2022 sa halip ay muling kumandidato bilang alkalde ng Davao City.

Ang malakas na performance ni Marcos sa Pahayag survey ay kumukumpirma sa lumalaking suporta ng mga tao sa kanyang kandidatura.

Maging ang mga informal survey gaya ng Kalye Surveys na ginagawa ng YouTube vloggers sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagpapakitang si Marcos ang pangunahing pinipili ng mga tao.

Samantala, sa naturang survey sa may 1,500 rehistradong botante na isinagawa ng Publicus Asia para naman sa mga kandidato sa pagka-pangalawang pangulo, nakakuha si Senador Bong Go ng 24%, pumangalawa sa kanya si Dr. Willie Ong na nakakuha ng 19%, pumangatlo si Vicento Sotto III, 17%; sumunod si Sen. Francis Pangilinan, 12% habang 3% naman kay dating Manila Mayor Joselito Atienza .

Nabatid na 17% ng mga respondent ang hindi pa rin makapagpasya habang isinasagawa ang naturang survey sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa. RNT