Remate Online : PAHAYAG NI ATTY. RODRIGUEZ NA ABOGADO NI BONGBONG SA DESISYON NG PET

News & Interviews
23 April 2021

By Johnny Magalona | Remate Online

NGAYON, mga kababayan ko, basahin natin ang naging pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, sa naging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) bilang tugon sa pinakahuling desisyon nito tungkol sa election protest ni Bongbong.

Ayon kay Atty. Rodriguez, nang binasa niya ang 92-page decision na sinulat ni Justice Mavic Leonen, nakalulungkot umanong dinismis ang kanyang election case nang hindi man lang siya pinayagan na makapaghain ng katunayan o pruweba tungkol sa malawakang dayaan na naganap sa Mindanao.

Nangangahulugan umano na ang dapat ay hiwalay, natatangi at malaya o independienteng paraan ng paghahain ng reklamo o cause of action.

Niredyek o tinanggihan dahil lang umano sa kawalan ng alituntunin ang isang cause of action.

Lumitaw umano na ang mahistrado na naatasang lumutas sa election complaint ay nagpakita ng sobrang pagiging biased o may pinapaboran dahil sa kanyang pagtingin sa dilawan.

Ang kapangyarihan ng PET ay pangkabuuan.

Sa ikatlong cause of action, gaya ng annulment o pagpapawalang-bisa ng halalan, hindi dapat maging problema sa kawalan ng rules o alituntunin dahil ang kailangang manaig o mahalagang mangibabaw ay ang kagustuhan ng mga botante.

Nang tanungin ang kanilang opinion tungkol sa election rules, nagkaisa ang Commission of Election at Office of the Solicitor General nang sabihin nila na ang mahalaga sa anomang halalan ay ang kagustuhan ng sambayanan.

Ang pagkakaroon o kawalan ng procedural rules ay hindi dapat maging hadlang sa pagtukoy sa will of the people o ang tunay na hinalal ng mamamayan.

Pangalawa lamang ang rules o ang mga panuntunan.

Ang importante ay ang tunay na binoto o kagustuhan ng mga botante.

Dapat ay tinupad ng PET ang lahat sa ilalim ng kanyang kapangyarihan upang tukuyin kung sino ang tunay na nagwagi bilang Bise Presidente.

Ang katotohanan ay hindi dapat nilimitahan sa pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng Rules on Annulment dahil sa huli ay ang mapagkakaitan ang sambayanan sa pagtukoy kung sino talaga ang nanalo 2016 elections.

Kung didismisin lang din umano ng PET ang kanilang election protest nang hindi dinirinig ang lahat ng ebidensya, bakit hindi dinismis ang kanilang third cause of action sa una pa lang o noong day 1 ng protesta?

Ayon pa kay Atty. Rodriguez, sa halip, inatasan pa raw sila na magbayad ng P66 milyon para lamang sa protesta at pinaghintay ng halos limang taon bago pinaniwala sila na ang annulment ay hiwalay, naiiba at independienteng cause of action na sa bandang huli ay dedesisyunan ang election protest nang hindi sila binibigyan ng pagkakataon sa due process.

Napakasamang halimbawa nito dahil sa hinaharap ay wala na ni sinomang nasa tamang kaisipan ang mangangahas na kumuwestyon sa resulta ng halalan.

Napakamahal at nakauubos ng panahon ang gawin ito.

Ayon kay BBM, habang may nababanaag siyang sinag, may pag-asa.

Ipagpapatuloy umano niya ang laban na ito at utang niya ito sa mahigit 14 milyong loyalista na bumoto sa kanya at sinabi pa niyang “utang ko ito sa ating mga kabataan na boboto sa 2022.”

Ayon pa kay BBM, sa huli, naniniwala siya na ang tunay na kagustuhan ng mga botante o true will of the electorate” ang mananaig.

PASUGALAN SA VALENZUELA SI MAYOR GATCHALIAN ANG GINAGAMIT

Balikan natin itong lantarang operasyon ng lotteng at ending nitong si alyas Sammy na nagmamayabang na malakas daw siya kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian dahil ang asawa raw niya ay sekretarya ng nasabing mayor.

Walang bukambibig itong si Sammy kundi si Mayor Rex Gatchalian ang kanyang padrino kaya raw smooth na smooth ang operasyon ng pa-lotteng at ending nito na minana lang niya sa dati niyang among si nasirang Rolando Carabana y ALVARAN, Jr., alyas Jun Moriones.

Mayor Rex, narito ang mga puwesto ng pa-lotteng at ending ni alyas Sammy.

Meron sa Brgy. Bentilyaresna, Malinta, Karuhatan, BB, Marulas sa RD Manotoc Subd., Malanday at Polo.

Sa kabila ng pandemic ay patuloy ang ginagawang pangungubra nito sa mga tao pero hindi man lang kumikilos si Mayor Gatchalian para ipahinto ang mga pasugalan nitong si Sammy.

E, paano ipahihinto ni mayor ang mga pa-lotteng at ending kung kumpare niya si Sammy?

Totoo ba ito, Mayor Rex Gatchalian?