Join the campaign (Learn More)

Remate Online : Paglalabas ng full slate ni Bongbong sa 2022 poll, posibleng sa Nob. 15 pa

News & Interviews
23 October 2021

By Remate Online

MANILA, Philippines – Hihintayin muna ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Nobyembre 15 bago nila ilabas ang kumpletong listahan ng mga tatakbong kandidato sa ilalim ng kaniyang grupo.

Kabilang dito ang pagpapakilala sa kaniyang magiging running mate.

Ito ay dahil umano sa posibilidad na magkaroon pa rin ng mga substitution hanggat hindi pa naisasapinal ang listahan ng Commission on Elections (Comelec) ng mga kakandidato sa Halalan 2022.

Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na mayroon na silang mga pangalan na isasama ngunit maaari pa umano itong magbago dahil nga sa substitution mechanism.

“Meron na, hindi pa nag-finalize dahil nag-iiwan pa kami ng ilang pwesto kasi ‘yong mga hindi nag-file baka mag-substitute pa, na isasama namin,” pahayag ng senador.

“Kaya’t siguro ang pinaka-magandang mangyari is that, what will really happen is that November 15 eh ma-finalize na namin, kasi after November 15 maliwanag na kung sino ang kandidato, sino ang tutuloy, sino ang hindi,” dagdag pa niya.

May mga pangalan rin umano silang kasama sa kanilang senatorial slate ngunit ang ilan ay hindi nakapaghain ng kanilang certificate of candidacy.

Nang tanungin kung sino-sino ito, tumanggi si Marcos at mas nais umano niyang ianunsiyo ito matapos ang Nobyembre 15.

“‘Yong original kasi namin may nilagay kami sa listahan na para sa senador pero ‘yong iba hindi nag-file. Pero meron namang mukhang baka mag-substitute pa, ‘yon na lang ang inaantay namin,” ani Marcos.

“‘Wag na muna, mahirap kasi siguro mas maganda kung sa buo na, I don’t know kung buo in the sense na magkaka-12 (candidates) pero ‘yong lahat na para next time, para hindi naman ma-preempt ‘yong mga iba,” dagdag pa niya. RNT